Nagbigay na ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng rekomendasyon para sampahan umano ng kaso sina Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at iba pang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Ombudsman.
Ayon sa mga ulat, personal na naghain ng reklamo si ICI Spokesperson Brian Hosaka at ICI Chairman Andres Reyes Jr., sa opisina ng Ombudsman nitong Lunes, Setyembre 29, 2025.
Tungkol umano ang paghahain ng kaso nina Hosaka at Reyes sa Ombudsman sa naging kaugnayan umano nina Co at mga opisyal ng DPWH sa iregularidad ng ₱290 milyong piso ng flood-control projects sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa ICI, napag-alaman umano nilang hindi nasunod ang wastong plano sa paggawa ng road dike projects sa Mag-Asawang Tubig River na nagkakahalaga sa ₱289.5 milyong piso mula sa pondong flood-control projects.
Mayroon din umano silang nakitang iregularidad sa dokumentasyon ng pagpapasa ng progress billings ng naturang proyekto.
Pagdaragdag pa ng ICI, may kaugnayan umano ang nasabing road dike projects sa Sunwest Inc., na may koneksyon kay Co dahil siya ang contractor nito.
“While Cong. Co claims to have divested his interests, reports suggest he may potentially retain beneficial ownership. The Commission underscores that additional evidence is needed to establish any definitive connection,” anang ICI.
Pinangalanan din umano sa ulat ng ICI sa Ombudsman ang Regional Director ng DPWH Mimaropa Region IV-B na si Gerald Pacanan, at 16 pang mga indibidwal na opisyal ng DPWH at Sunwest Inc.
Ilan sa mga inirekomendang kaso ng ICI sa Ombudsman para kina Co at iba pa ang opisyal ng DPWH at Sunwest ang paglabag sa Batas Republika 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation of Public Funds, Falsification of Public Documents by a Public Officer, at paglabag sa Government Procurement Reform Act.
MAKI-BALITA: 'Tuloy ang deadline!' Speaker Dy, nanindigang hanggang Sept. 29 na lang palugit kay Rep. Co para makauwi
Mc Vincent Mirabuna/Balita