Direktang binanggit ni Sen. Chiz Escudero si dating House Speaker Martin Romualdez bilang nasa likod umano ng mga naglilimas ng kaban ng bayan.
Ayon sa naging privilege speech ni Escudero sa plenary session Senado nitong Lunes, Setyembre 29. 2025, hindi nagdalawang isip ang senador na tukuyin sa sesyon ang pangalan ni Romualdez.
Nagawa ring kuwestiyunin ni Escudero ang pag-iwas umanong imbestigahan o banggitin ng House of Representatives, ng Senado, at maging ng midya ang mga isyu kaugnay sa dating house speaker.
“Bakit tila sa Kamara, dito mismo sa Senado, at sa ilang media ay hindi pa rin nila kayang sambitin ang pangalan niya. Pwes, sasabihin ko. Martin Romualdez,” anang Escudero.
Pagpapatuloy pa ni Escudero, nagawa na raw noong banggitin nina Curlee at Sarah Discaya ang pangalan ni Romualdez sa pagdinig ng Senado ngunit pinabawi umano iyon sa mag-asawa nang humarap sila sa Kamara.
“Minsan nang binanggit ng mga Discaya ito dito sa Senado ang kaniyang pangalan pero agad itong pinabawi noong humarap sila sa Kamara,” saad ng senador.
Isa rin sa ginawang halimbawa ni Escudero si Orly Regala Guteza na isa rin sa mga nagdawit ng pangalan ni Romualdez sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa imbestigasyon ng Senado sa maanomalyang flood-control projects.
“Binanggit ni Master Sergeant Guteza ang kaniyang pangalan pero ultimo notaryo, natunton nila at pinabawi nila ang notaryo. Buti na lang huli na at nasabi na niya ang pangalan ni Martin Romualdez na pinanumpaan dito mismo sa ating Blue Ribbon Committee[...]
“Siya ang kauna-unahang nagtestigo nang personal na naghatid ng pera sa bahay mismo ni Martin Romualdez,” ‘ika ni Escudero.
Ayon kay Escudero, pinapatunayan ng naging notaryo ni Guteza sa Senado ang matagal na umanong isinisiwalat nina Navotas City lone district Rep. Toby Tiangco at Baguio City Mayor Benjie Magalong sa publiko.
“Ang salaysay niya Ginoong Pangulo ay kompirmasyon ng matagal nang isinisiwalat ni Congressman Tiangco at Mayor Magalong kung sino ang ulo sa paglilimas ng kaban ng bayan na ating naririnig na rin,” pagdidiin pa ni Escudero.
Matatandaang mariin nang itinanggi ni Escudero ang pagkakadawit ng kaniyang pangalan sa imbestigasyon ng maanomalyang flood-control projects sa ikaanim na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 25, 2025.
Batay sa sinumpaang salaysay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, nabanggit niya ang mga pangalan nina Escudero, at mga dating senador na sina Makati City Mayor Nancy Binay at Ramon "Bong" Revilla, Jr., na umano'y pawang nakatanggap din ng kickback mula sa maanomalyang proyekto.
“I vehemently deny the malicious allegations and innuendos made by former DPWH Usec. Roberto Bernardo in today’s Senate Blue Ribbon Committee. By his own admission, he never had any contact with me directly regarding this matter. I will prove that he is lying about my alleged involvement," pagtatanggi ni Escudero.
KAUGNAY NA BALITA: 'I vehemently deny!' Sen. Escudero, never nagkaroon ng contact kay Bernardo
Mc Vincent Mirabuna/Balita