December 13, 2025

Home BALITA National

'Hindi ako kasali!' Romualdez, binoldyak paratang ni VP Sara na tumatanggap siya ng pera sa illegal gambling

'Hindi ako kasali!' Romualdez, binoldyak paratang ni VP Sara na tumatanggap siya ng pera sa illegal gambling
Photo courtesy: Contributed photo

Tahasang itinanggi ni dating House Speaker Martin Romualdez ang alegasyon sa kaniya ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umano'y pagtanggap daw niya ng pera mula sa illegal gambling.

Batay sa inilabas na pahayag ni Romualdez nitong Lunes, Setyembre 29, 2025, iginiit niyang naririnig daw niya ang mga akusasyon laban sa kaniya, na mariin niyang pinabubulaanan.

"Naririnig ko ang mga akusasyon. Diretsahan kong sasabihin hindi totoo na ako'y tumatatanggap mula sa ilegal na sugal," ani Romualdez.

Pawang mga guni-guni lang umano ang mga paratang sa kaniyang hindi raw mapatunayan.

National

PBBM, ibinida bagong Banago Port sa Bacolod City!

"Lahat guni-guni. Madaling magturo, madaling mag-imbento, pero ang katotohanan, hindi kayang patunayan. Until today, wala pa ring ipinakitang ebidensya puro sabi-sabi lang na inuulit-ulit," saad ni Romualdez.

Pinuna rin ni Romualdez ang tila pangunguna raw ni VP Sara na magpakalat ng pekeng impormasyon na tila dapat daw ay wala ng kredibilidad matapos siyang ma-impeach sa Kamara hinggil sa isyu rin ng katiwalian.

"Nakakalungkot na ang mismong Bise Presidente, na inakusahan at na-impeach ng House dahil sa maling paggamit ng pondo, ay siya pang nagkakalat ng ganitong kasinungalingan. When the source itself has lost credibility, why should anyone believe these baseless claims?" giit ni Romualdez.

Matatandaang nitong Lunes din ng inhayag ni VP Sara ang kaniyang tirada laban kay Romualdez.

"Hindi lang sa flood control, pati sa illegal gambling tumatanggap sila," ani VP Sara.

Nang tanungin ng media kung sino raw ang "sila" na tinutukoy ng Bise Presidente, sagot ni VP Sara, “Si Martin Romualdez. So hindi lang siya flood control."