Sinabi ni Senador Francis "Chiz" Escudero na si Leyte 1st district Rep. Martin Romualdez ang nagtulak umano ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
"Nais ko pong kumpirmahin ang sinabi ni Congressman Toby Tiangco na ang pag-file ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay ginamit na paraan ni Speaker Romualdez para mag-release ng pondo nila na naka-FLR o for late release bago mag-eleksyon," saad ni Escudero sa kaniyang privilege speech nitong Lunes, Setyembre 29.
"Uulitin ko: Ginamit ni Martin Romualdez ang FLR, at ang pangalan ni Pangulong Marcos, upang itulak ang kanilang unconstitutional na impeachment complaint. Sabi nila, 'pumirma kayo dahil kung hindi. Hindi lalabas ang pondo n'yo na naka-FLR bago mag-eleksyon.' Subalit, hindi ito umubra dahil tinanggihan ito ni PBBM. Sinabi niyang walang ganiyang uri ng usapan at sinabi niyang hindi niya gagawin 'yon. Kaya hanggang ngayon, nananatili pa ring for late release ang mga kuwestiyonableng pondo nila," dagdag pa niya.
Giit pa ni Escudero, kasakiman umano ang rason sa likod ng impeachment ni Duterte.
"I urged prudence and level-headedness because I knew that greed and not accountability was the reason behind it."
Sa parehong privilege speech, kinuwestiyon din ni Escudero ang tila pagiging mailap ng pangalan ni Romualdez sa mga listahan ng imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects.