Ibinahagi ng human rights advocates at abogado na si Atty. Kristina Conti na madalas na umanong nababanggit ang pangalan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga dokumento ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa naging panayam kay Conti sa DZMM Teleradyo noong Linggo, Setyembre 28, 2025, isinapubliko niya ang madalas na pagbanggit ng pangalan ng senador sa imbestigasyon ng ICC na aabot na umano sa apat hanggang limang beses.
“If I bet my money[...] kay Sen. Dela Rosa, kasi lagi na siyang nababanggit. Kumbaga bingo na talaga siya. Kasi this is what? Third or fourth or fifth document that has mentioned him and his role,” saad ni Conti.
Pagpapatuloy pa ng abogado, alam umano ni Dela Rosa na madadawit siya sa imbestigasyon ng ICC dahil sa kaniyang kaugnayan sa kontrobersyal na mga patayan noong 2016 at sa Davao Death Squad (DDS).
“Kung ako ang may kasalanan, hindi yung punto na nabanggit ako o nadiscover ang involvement ko, kundi yung punto na actual involvement ko noon pa man noong 2016 and even before that sa Davao Death Squad (DDS), alam ko ang role ko kaya alam ko na madadawit at madadawit ako,” pagdidiin ni Conti.
“It's just a matter of when it's disclosed. Dapat kinabahan ka noon pa man, nung nagsimula ang patayan,” pagtatapos pa niya.
Si Conti ang tumatayong Assistant to Counsel sa ICC na kakatawan sa mga biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.
MAKI-BALITA: Richard Heydarian, sinabing oras na ni Bato para ipakita 'loyalty' kay FPRRD