Umapela si Mamamayang Liberal (ML) Party-List Rep. Leila de Lima sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na huwag umanong itago sa publiko ang kanilang magiging pagdinig sa pag-iimbestiga sa maanomalyang flood-control projects.
Ayon sa ibinahagi ni De Lima nitong Lunes, Setyembre 29, 2025, pinatutsadahan niya ang ICI na hindi umano maaari ang “tagu-taguan” sa paglalantad ng katotohanan.
“Bawal ang tagu-taguan sa paglalantad ng katiwalian!” pagsisimula ni De Lima sa kaniyang post.
Pagpapatuloy ni De Lima, dapat daw maging bukas ang pagdinig ng ICI para sa publikong manonood sa kanilang pagdinig hindi lang para sa mga sangkot kundi para makita umano kung paano ang paraan ng kanilang pag-iimbestiga.
“ICI hearings must be open to the public. Sa mga hearing na ito, hindi lang sa mga isinasangkot nakatutok ang taumbayan, kundi pati na rin sa mga nag-iimbestiga—kung tapat at epektibo ba nilang nagagampanan ang kanilang tungkulin,” anang De Lima.
Dagdag pa niya, mahiya raw dapat ang mga opisyal ng ICI sa taumbayan at huwag nang ipagkait sa kanila ang buong katotohanan.
“People are watching. Mahiya naman tayo sa taumbayan. Ninakawan na nga ng trilyong piso, pagkakaitan pa ba sila ng buong katotohanan sa imbestigasyong ito?” pagtatapos ni De Lima.
Photo courtesy: Leila de Lima (FB)
Matatandaang nauna na ring nanawagan si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa ICI na isapubliko ang mga isasagawang pagdinig kaugnay sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects nito ring Setyembre 29.
“I urge the ICI to reconsider this decision. Transparency is fundamental to public accountability. With all due respect, the decision of the ICI to prevent the public from monitoring its proceedings online is ill-advised,” anang Pangilinan sa kaniyang Facebook post.
Dagdag pa niya, “[p]lease open your proceedings to the public. Do not test the people’s desire to know the truth. Baka magising ang mga miyembro ng ICI bukas at nag ra-rally na ang tao sa harap ng mga bahay ninyo.”
MAKI-BALITA: 'Ekis sa livestream?' ICI, 'di isasapubliko mga pagdinig sa flood control projects
Mc Vincent Mirabuna/Balita