December 13, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang tinaguriang 'Iron Lady of Asia' na si Miriam Defensor-Santiago

BALITAnaw: Ang tinaguriang 'Iron Lady of Asia' na si Miriam Defensor-Santiago
Photo courtesy: Sen. Miriam Defensor Santiago (FB), Wikimedia Commons (website)


Hindi lamang sa Pilipinas kinikilala ang husay at tatas ni dating senadora Miriam Defensor-Santiago, maging ang ibang bansa ay pinabilib niya, kung kaya’t siya ang tinaguriang “Iron Lady of Asia.”

Pangunahing impormasyon ni Miriam Defensor-Santiago

Si Miriam Defensor-Santiago ay ipinanganak noong Hunyo 15, 1945, sa Iloilo City. Siya ay ang panganay sa pitong anak nina Benjamin Defensor, isang local judge, at ni Dimpna Palma, na isa namang college dean. Napangasawa niya noong 1970 si Narciso Yap Santiago, at biniyayaan sila ng dalawang anak na lalaki at limang apo.

Edukasyong tinahak ni Miriam Defensor-Santiago

Nakitaan na agad ng husay at talino si Defensor-Santiago sa larangan ng edukasyon. Nagtapos lang naman siya bilang “class valedictorian” noong primarya at sekondarya.

BALITAnaw

BALITAnaw: Si Andres Bonifacio bilang unang biktima ng 'election related violence'



Noong 1965, nagtapos naman siya bilang magna cum laude sa kursong Bachelor of Arts in Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) - Visayas campus.

Matapos nito, itinuloy niya ang pag-aaral ng abogasya sa UP College of Law, kung saan nagwagi siya sa maraming oratorical contests at debate. Dahil sa angking husay, siya ang hinirang bilang kauna-unahang babaeng editor ng kanilang pahayagan, “The Philippine Collegian.”

Nagtapos siya bilang cum laude sa Bachelor of Laws, at ipinagpatuloy ang pag-aaral ng Master of Laws at Doctor of Juridical Sciences sa University of Michigan, na tinapos niyang pareho sa loob lamang ng isang taon at kalahati.

Politikal na Karanasan

Nadaanan na ni Defensor-Santiago ang tatlong sangay ng gobyerno — Ehekutibo, Lehislatibo, at Hudikatura.

Sa ehekutibo, siya ay nanungkulan bilang immigration commissioner mula 1988 hanggang 1989, at pinili ni dating Pangulong Corazon Aquino bilang secretary of agrarian reform noong 1989.

Sa lehislatibo, siya ay nanilbihan sa tatlong termino bilang senador noong 1995 hanggang 2001, 2004 hanggang 2010, at 2010 hanggang 2016.

Sa hudikatura naman, siya ay naging presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) sa Quezon City mula 1983 hanggang 1987.

Siya rin ay matatandaang tumakbo sa pagkapangulo noong 1992 at 2016, ngunit bigo siyang manalo. Noong 1992, si dating Pangulong Fidel V. Ramos ang nanalo, habang si dating Pangulong Rodrigo Duterte naman noong 2016.

Iba pang propesyonal na karanasan

Siya ay naging chair and founder ng “Movement for Responsible Public Service” noong 1990. Siya rin ay naging Pangulo at tagapagtatag ng “People’s Reform Party” noong 1991.

Naging senior partner din siya sa Defensor-Santiago Law Firm noong 1992, at naging Opinion columnist ng “Gadfly” at Today newspaper.

Mga batas na naipasa

(1) Reproductive Health Act of 2012
(2) Sin Tax Law
(3) Climate Change Act of 2009
(4) Renewable Energy Act of 2008
(5) Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law
(6) Magna Carta for Women
(7) Cybercrime Act of 2012
(8) Archipelagic Baselines Act of 2009

Mga Pagkilala sa Buong Mundo

Si Miriam Defensor-Santiago ang kauna-unahang Pilipino at Asyano mula sa “developing countries” na hinalal sa United Nations bilang judge ng International Criminal Court (ICC).

Natanggap niya rin ang titulo bilang “Magsaysay Awardee for Government Service,” katumbas ng Asian “Nobel Prize” noong 1988. Kilala rin siya sa “bold and moral leadership in cleaning up a graft-ridden government agency” at isa sa “Top 100 Most Powerful Women in the World” ng Australian magazine.

Sa Spain, nakuha niya naman ang Grand Cross of the Order of Civil Merit noong Nobyembre 30, 2007.

Iba pang mga katawagan sa kaniya

Maliban sa “Iron Lady of Asia,” kilala rin si Miriam Defensor-Santiago sa katawagang “Incorruptible Lady,” “The Platinum Lady,” at “The Tiger Lady.”

Tanyag din siya sa mga katawagang  “The Dragon Lady,” “The Queen of Popularity Pools,” at “Miriam Magic.”

Mga huling oras ni Miriam Defensor-Santiago

Dalawang taon lumaban si Defensor-Santiago sa chronic fatigue syndrome. Noon namang Hunyo 2014, na-diagnose siya ng stage 4 lung cancer.

Nagawa pa niyang mangampanya at makadalo sa mga presidential debates noong 2016, ngunit bukal niyang sinasabi na humaharap na siya sa “health concerns.”

Noong Setyembre 29, 2016, tuluyan nang pumanaw si Miriam Defensor-Santiago, sa edad na 71, matapos niyang labanan ang huling stage ng kaniyang kanser sa baga.

Hindi matatawaran ang legasiya at mga aral na dinala ni Miriam Defensor-Santiago sa bansa, kung kaya’t hanggang sa ngayon, kinikilala pa rin ang kaniyang kadakilaan at mga ambag sa bayan.

Vincent Gutierrez/BALITA