“Kumusta ang puso mo?”
Ang puso, bilang isa sa mga pinakamahalagang parte ng katawan ay nagsisilbing “power supply” na nagbibigay enerhiya para gumana ang buong katawan.
Batay sa Heart Research Institute (HRI), bagama’t kasinlaki lamang ng kamao ang puso, ito ang organ na responsable sa pagbibigay ng suplay ng dugo sa buong katawan.
Ang dugo na dumadaloy ay mayroon ding oxygen at nutrisyon na kailangan ng bawat parte para magampanan ang tungkulin nito (Better Health Channel).
Gayunpaman, may mga kondisyon na nakaaapekto sa puso para humina ito, ang ilan dito ay dahil sa unhealthy habits, pagtanda, family history, at komplikasyon mula sa iba pang sakit (National Heart, Lung, and Blood Institute).
Kaya naman, ginugunita ang Setyembre 29 bilang “Heart Awareness Day,” sa layong itaas ang kamalayan ng publiko sa tamang pag-aalaga ng puso at pagpapabuti ng access sa mga treatment para sa mga kondisyon at sakit na nakaaapekto rito (World Heart Federation).
Dahil dito, ito ang ilan sa mga paraan para maiging maalagaan ang puso:
Mental at emosyonal na aspeto
Bukod sa pangkalusugang aspeto, ang puso, ayon sa UCLA (University of California) Health, ay kilala rin bilang “seat of emotion” dahil ito’y konektado sa estado ng mental state ng isang indibidwal.
Sa pag-aaral na inilathala rito, lumalabas na ang stress ang isa sa mga top risk factors para sa heart disease, na kalimitang nagreresulta sa pagkamatay.
Dahil sa mataas na lebel ng stress, nagkakaroon ng pressure o tense sa puso, na nagdudulot ng spike o pagtaas ng blood pressure.
Kung kaya, inaabiso ng UCLA Health ang pagkakaroon ng “holistic” o pangkabuoang lifestyle change para maiwasan ang mga komplikasyon sa puso.
Kabilang dito ang stress management sa pamamagitan ng regular na ehersisyo, balanseng diet, maayos at sapat na tulog, meditation, at deep-breathing exercises.
Importante rin daw ang pagkakaroon ng psychological at social support para sa propesyunal na pag-alalay hindi lamang sa emosyonal na estado, kung hindi maging sa pangangalaga ng puso.
Pangkalusugang aspeto
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang tamang timbang ay mahalaga sa pagkakaroon ng malusog na puso.
Dahil ang mga indibidwal na overweight o obese ay mayroong “higher risk” ng heart disease, dulot ng stress na nadadala ng extrang timbang sa puso at blood vessels.
Kasama rin dito ang pagkakaroon ng regular na check-up, kung saan maiging titignan ang lebel ng kolesterol at ang estado ng blood pressure, para agad na maagapan ang sakit na makaaapekto sa heart health.
Sa dagdag na pag-aaral ng heart.org, ang paninigarilyo ay nagdudulot ng “higher risk” para magkaroon ng coronary heart disease.
Ito ay dahil ang paninigarilyo ay naglalabas ng mga kemikal na nakasisira sa puso at blood vessels na maaaring magdulot ng atherosclerosis o plaque build-up sa loob ng puso, na maaaring mag-uwi sa heart failure o atake sa puso (National Heart, Lung, and Blood Institute).
Tandaang ang pagkakaroon ng “holistic approach” o pangkalahatang pangangalaga sa katawan ay importante hindi lamang para sa heart health, kung hindi para sa pangkabuoang kalusugan para mas mapagbuti ang kalidad ng buhay.
Kaya bago pa iyan masaktan ng iba, ikaw muna ang puwedeng makapanakit sa kaniya.
Sean Antonio/BALITA