May suhestiyon si Sen. Erwin Tulfo hinggil sa pangingialam umano ng mga kongresista sa budget insertions ng government infrastructure projects.
Sa panayam sa kaniya ng isang radio station nitong Linggo, Setyembre 28, 2025, iginiit niyang ang trabaho lang daw dapat ng Kongreso ay magpatupad ng batas.
“Dapat yung insertions, di na dapat trabaho ng mambabatas Bigyan mo ng pondo yung DPWH, then the mayor will tell the senator na kelangan ng tulay. Then, the senator will write a letter to the DPWH para yung DPWH yung ko-contact kay mayor,” anang senador.
Dagdag pa niya, “Para wala nang pakialam ang mambabatas dahil ang mambabatas ang trabaho ay gumawa ng batas, hindi na siya yung tatao sa DPWH, siya pagpapa-bidding.”
Iminungkahi rin ni Tulfo ang paglikha ng DPWH provincial engineering office, kasabay ng kaniyang pagsang-ayon sa panukalang buwagin ang district engineering office.
Aniya, “Kailangan siguro pag-aralan nang mabuti para wala nang pakialaman ang congressman sa appointment ng mag district engineer.”
Matatandaang una nang sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na dapat buwagin ang mga district office ng DPWH at palitan ng regional offices upang maiwasan ang panghihimasok ng mga politiko.