Nag-react ang Kapuso comedienne at TV host na si Pokwang sa ginawang pag-finger heart ng kontrobersiyal na contractor na si Sarah Discaya, nang magsadya sila sa tanggapan ng ahensya para sa pagsusumite sa requirements ng aplikasyon para sa "Witness Protection Program (WPP)" noong Sabado, Setyembre 27.
Ang witness protection ay isang programa kung saan poprotektahan ang kanilang seguridad at banta sa buhay, kasama ng iba pang mga saki, habang patuloy na isinisiwalat ang mga nalalaman nila tungkol sa isyu, ngunit hindi nangangahulugang "state witness" na sila.
Habang papasok sa loob ng DOJ headquarters ay nag-finger heart ang misis na Discaya sa media reporters na nag-aabang sa kaniya para sana makapag-ambush interview.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Feeling safe na?’ Sarah Discaya, binakbakan sa ‘finger heart’
Bukod pa rito, nagbitiw pa ng hirit si Discaya na gandahan ng mga netizen ang gagawing memes sa kaniya.
"Gandahan n'yo 'yong memes ko," saad daw ni Discaya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Gandahan n'yo 'yong memes ko!'—Sarah Discaya
Si Pokwang, na isa sa mga celebrity na diretsahang nagpapahayag ng kanilang saloobin at damdamin hinggil sa isyu ng korapsyon, ibinahagi sa Instagram story ang screenshot ng finger heart ni Discaya.
Mapapansin namang tila nilagyan niya ng tae ang bandang ibabaw ng finger heart ng contractor, na may matching lumilipad-lipad na langaw pa.
Mababasa sa text caption ng story, "gandahan daw ang memes??????? Hahahhaahaha."
Photo courtesy: Screenshot from Pokwang (IG)
Samantala, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Spokesperson Mico Clavano na tinitingnan nila at posibleng isama sa konsiderasyon ang naging akto ng pag-finger heart sign at mga pahayag ng kontrobersiyal na contractor sa aplikasyon nila ng mister na si Curlee Discaya, sa WPP.
Ayon sa mga ulat, sinabi ni Clavano na ito raw ay tila isang palatandaan ng hindi pagiging tapat at ng pagiging kampante," ani Clavano. Hinihikayat daw ang lahat ng persons of interest sa kasong umakto nang naaayon.
"It is a sign of insincerity and complacency," pahayag ni Clavano sa panayam sa kaniya ng media.
"We urge all persons of interest in this case to behave accordingly," dagdag pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Behave accordingly!' DOJ, sisilipin pag-finger heart ni Sarah Discaya