Dumalo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang misa na idinaos sa Immaculate Conception Parish sa Batac, Ilocos Norte, para sa paggunita ng ika-36 na anibersaryo ng pagkamatay ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., Linggo, Setyembre 28.
Sa ibinahaging post ng Presidential Communications Office (PCO), kasama ng Pangulo ang ilang miyembro ng pamilya Marcos at mga tagasuporta na nakiisa sa banal na pagdiriwang bilang bahagi ng taunang pag-alaala kay Marcos Sr., na nagsilbi bilang ika-10 Pangulo ng bansa mula 1965 hanggang 1986.
Ang pagdalo ng pamilya sa naturang misa ay isa sa mga tradisyong kanilang isinasagawa upang gunitain ang alaala ng dating lider.
Sa kaniyang Facebook post naman, inalala at nagbigay-tribute si PBBM para sa pumanaw na ama.
"Remembering my father, Apo Lakay, on his 36th death anniversary. His memory and his dreams remain with me always," anang PBBM.
Noong Setyembre 11, 2025, inalala naman ni PBBM ang kaarawan ni Marcos. Sr.
Namatay sa gulang na 72-anyos ang dating pangulo noong Setyembre 28, 1989 sa St. Francis Medical Center sa Honolulu, Hawaii, dahil sa iba't ibang sakit gaya ng systemic lupus erythematosus at kidney disorder. Napaulat ding siya ay may sakit sa puso at baga, pneumonia at bacterial infections.
Sa Hawaii nanirahan ang pamilya Marcos matapos mapatalsik sa puwesto si Marcos, Sr. dahil sa makasaysayang 1986 EDSA People Power Revolution, na nagluklok naman sa puwesto kay dating Pangulong Corazon Aquino.