Nanawagan ng dasal at simpatya si Sen. Bong Go sa mga Pilipino hinggil sa kasalukuyang lagay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands.
Sa Facebook post ni Go noong Sabado, Setyembre 27, umapela siya ng sama-samang pagdarasal at malasakit mula sa sambayanan para sa umano’y pag-ayos ng kalagayan ni FPRRD sa loob ng ICC.
“Mga minamahal kong kababayang Pilipino, pagpatuloy po nating ipagdasal ang kalusugan ni Tatay Digong, ang kaniyang kaligtasan [at] ang kaniyang kalayaan,” pagbati ng Senador sa kaniyang video.
“Ang hirap po ng kaniyang sitwasyon ngayon, hindi natin siya nakikita, hindi natin siya masamahan magpa-doktor,” dagdag pa niya.
Binanggit din niya na dahil sa katandaan ng dating Pangulo, nadudulas na raw ito sa banyo, at dahil dito ay madalas siyang dinadala sa ospital para gamutin.
“Totoo naman po ‘yong mga nakaraang taon, [na] dahil na rin sa kaniyang edad, minsan nadudulas po siya sa CR, at marami pong pagkakataon na dinadala namin siya noon sa ospital para magpa-X-ray or magpa-MRI,” saad niya.
Kinumpirma rin ni Go na totoo raw ang kamakailang ulat na nawalan nang malay ang dating Pangulo sa kaniyang piitan sa ICC at dinala sa ospital para sumailalim sa mga laboratory tests.
“Totoo po ‘yong balita na siya po’y natagpuang unconscious at dinala siya sa ospital para makapag-laboratory tests,” saad niya.
“Kung nandito lang sana siya sa Pilipinas, sasamahan ko siya magpa-ospital, sasamahan ko po siya magpa-check up kahit anong oras, gaya ng ginagawa ko for the past 26 years. Ako po’y nalulungkot at nababahala sa sitwasyon niya ngayon na mag-isa at matanda na po si Tatay Digong,” aniya.
Kasama rin sa panawagan ni Go ay ang kahilingan na makauwi na ang dating Pangulo sa Pilipinas para masigurado ang kaniyang kaligtasan at pag-ayos ng kaniyang kalusugan.
“Sana po’y makauwi na siya dito sa ating bayan, dito na po siya tumanda. ‘Yon naman po ang gusto niya sa buhay, makauwi lang po sa Pilipinas, makauwi sa Davao. Mas nakakatakot po kung mayroong mangyari sa kaniya sa ibang bansa,” hiling niya.
Sa pagtatapos ng video, nagpahatid ng maigsing mensahe si Go kay FPRRD.
“Tatay Digong please get well soon. We love you, Tatay Digong. Please bring him home,” aniya.
Sean Antonio/BALITA