Sa kasaysayan ng Pilipinas, nagkaroon na ang bansa ng 16 na Pangulo, at ika-17 si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bago pa man ideklara ng ikasampung Presidente ng Pilipinas na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang Batas Militar noong 1972, namuno muna si dating Pangulong Diosdado Macapagal, na siyang kinikilala bilang ikasiyam na presidente sa kasaysayan ng bansa.
Pangunahing impormasyon ni Diosdado Macapagal
Si Diosdado Macapagal ay isinilang noong Setyembre 28, 1910, sa Lubao, Pampanga. Siya ay ikalawa sa apat na anak nina Urbano Macapagal, isang “plebeian intellectual” at Romana Pangan. Siya ang natatanging Pangulo na makikita sa imprenta ng ₱200-peso bill, at ang ama ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Edukasyon mula Primarya hanggang Kolehiyo
Sa kabila ng kahirapan sa buhay, ipinakita ni Macapagal ang husay sa pag-aaral at tinanghal na “head of his class” sa Lubao Elementary School noong 1925, at “Salutatorian” naman sa Pampanga High School noong 1929.
Kinuha niya rin ang kaniyang Associate in Arts sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1932 at naging iskolar sa Philippine Law School. Nakatanggap siya ng alok kay dating Interior Secretary Honorio Ventura na lumipat sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST), at ang nasabing kalihim na ang bahala sa mga bayarin. Tinanggap naman ito ni Macapagal at nang makapagtapos, kumuha siya ng Bar Examinations noong 1936.
Hindi lamang ipinasa ni Macapagal ang nasabing pagsusulit, bagkus siya ang itinanghal na topnotcher nito sa gradong 89.95%.
Tinahak na Landas sa Politika
Nang itatag ang Republika ng Pilipinas noong Hulyo 1946 matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nanungkulan si Macapagal bilang Chief of the Law Division of the Department of Foreign Affairs (DFA).
Noong 1948, pinili siya ni dating Pangulong Elpidio Quirino na manilbihan bilang chief negotiator sa paglipat ng Turtle Islands sa Pilipinas mula sa United Kingdom. Siya rin ay nagkaroon ng karanasan bilang pangalawang kalihim ng embahada ng Pilipinas sa Washington D.C.
Sa tulong ng humigit-kumulang 20,000 na mga boto, pinakamarami sa bansa noong mga panahong iyon, siya ay nakakuha ng puwesto sa Kongreso bilang representative ng unang distrito ng Pampanga, at muling nahalal noong 1953.
Matapos ang apat na taon, noong 1957, nahalal siya bilang Bise Presidente ng Pilipinas. Hindi nabigyan ng Cabinet position si Macapagal kung kaya’t nagpokus siya sa pagpapalawig at pagpapalago ng imahe ng Liberal Party.
Noong 1961, nanalo siya bilang ikasiyam na Pangulo ng Pilipinas, laban sa ikawalong Presidente ng bansa na si dating Pangulong Carlos P. Garcia.
Ilan sa highlights ng kaniyang administrasyon:
(1) Development ng “Miracle” Rice ng International Rice Research Institute
(2) Pagpapasinaya sa konstruksyon ng North Diversion Highway at South Expressway
(3) Konstruksyon ng tenement buildings para sa mga mahihirap
(4) “Filing of claims” ng Pilipinas sa Sabah
(5) Paglipat ng petsa ng “Philippine Independence” mula Hulyo 4, ito ay naging Hunyo 12
Vincent Gutierrez/BALITA