Maging ang mga karakter na pulis sa Kapuso drama series na “Cruz Vs. Cruz” ay hindi nakaligtas sa malalakas na sampal ni Primera Kontrabida Gladys Reyes.
Sa isang Facebook post ng GMA Network nitong Linggo, Setyembre 28, mapapanood ang teaser ng nasabing teleserye kung saan pinagsasampal ni Gladys ang mga lalaking pulis.
Todo-bigay ang Primera Kontrabida sa nasabing eksena. Nagbibitaw siya ng dialogue habang inaawat ng kapulisan. Pero imbes na magpapigil, nanampal pa siya!
Sa bandang huli ng video, humingi si Gladys ng paumahin sa mga nasampal niya habang hinihimas ng mga ito ang mukha nilang napuruhan.
“Sorry,” sabi ni Gladys. “‘Yon po ay kasama do’n sa script.”
Nakasentro ang kuwento ng “Cruz Vs. Cruz” sa isang amang OFW na makalipas ang dalawang dekada ay bumalik sa Pilipinas dahil sa life-threatening incident.
Ginagampanan ni Gladys sa teleserye ang karakter ni “Hazel” na siyang legal na asawa ng karakter ni Neil Ryan Sese na si "Manuel."