Muling pinaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Pag-abot Program ang publiko na huwag mag-abot ng limos sa mga batang palaboy, mga walang tirahan, at mga katutubo sa lansangan.
Sa isang radio interview noong Sabado, Setyembre 27, 2025 ipinaliwanag ni Pag-abot Program Officer-in-Charge (OIC) Division Chief (DC) Jennifer Casañas ang programang tumutugon daw sa mga manlilimos sa lansangan.
“Alam po natin na ang ating mga kababayan, ngayong Ber months, ay natural na mapagbigay, tumutulong, nagbibigay ng tulong, maawain. Iyon po ang gusto nating itama at i-educate ang ating publiko na hindi po tamang magbigay ng tulong o limos sa kalsada. Mayroon po tayong mga tamang channels o venues para makapagbigay ng kanilang tulong o donasyon,” ani Casañas.
Ayon sa sa Anti-Mendicancy Law (Presidential Decree No. 1563, 1978) ipinagbabawal ang pamamalimos at pamimigay ng limos sa pampublikong lugar; nagpapataw ng parusa sa mga namamalimos at sa mga nagsasamantala sa kanila, at hinihikayat ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pamahalaan o mga akreditadong institusyon.
Ayon kay Casañas, isa sa mga tamang plataporma upang maipaabot ang suporta sa mga pamilya at indibidwal sa street situations ay ang Pag-abot Program ng DSWD na nagpapatuloy buong taon.
“Ito po ay mainstay program na po ng DSWD, ibig sabihin hindi po tayo seasonal. Araw-araw po talaga tayong may reach out activity sa ating target LGUs at maging sa buong bansa,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, gumagamit ang programa ng rights-based approach sa pag-abot sa mga taong naninirahan at namamalagi sa lansangan. “Sa Pag-abot Program, naka-anchor po tayo sa rights-based approach… ayaw po natin yung sapilitan o pwersahan,” aniya.
Dagdag pa niya, “Gusto po natin maipaliwanag sa kanila ng ating mga social workers and development workers na mapanganib at hindi po safe na mamuhay sa lansangan.”