Ngayong Linggo, Setyembre 28, inalala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ika-36 anibersaryo ng kamatayan ng kaniyang ama, kung saan dumalo ang kanilang pamilya sa isang misa sa Immaculate Conception Parish sa Batac, Ilocos Norte.
MAKI-BALITA: PBBM, nagsimba para sa 36th death anniversary ni 'Apo Lakay'-Balita
Lingid sa kaalaman ng lahat na ang ilan sa mga mahahalaga at kontrobersiyal na kaganapan sa buhay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., o mas kilala sa katawagang “Apo Lakay,” ay naganap sa buwan ng Setyembre.
Kapanganakan ni Apo Lakay
Noong Setyembre 11, 1917, ipinanganak ang dating Pangulong Marcos sa Sarrat, Ilocos Norte. Siya ay anak ng mga gurong sina Mariano Marcos at Josefa Edralin.
KAUGNAY NA BALITA: Pamilya Marcos, isa-isang bumati para sa ika-108 kaarawan ni 'Apo Lakay'-Balita
Pagkakasilang sa mga anak ni FEM
Dalawa sa tatlong anak ni dating Pangulong Marcos Sr. ay ipinanganak sa buwan ng Setyembre.
Si PBBM na ikalawang anak ni Apo Lakay at ni Imelda Marcos, ay isinilang noong Setyembre 13, 1957.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, maagang ipinagdiwang kaniyang ika-68 kaarawan sa ‘Salo-Salo sa Palasyo’-Balita
Ang bunsong anak naman ni FEM na si Irene Marcos ay isinilang noong Setyembre 16, 1960.
Deklarasyon ng Batas Militar sa Pilipinas
Sa lahat ng mga naging Pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas, si Marcos Sr. ang nanungkulan nang pinakamahaba. Siya ay ang Presidente ng bansa sa loob ng higit dalawang dekada, mula nang siya ay maihalal na Pangulo noong 1965, hanggang siya ay mapatalsik sa puwesto noong 1986.
Humaba ang kaniyang termino bilang Pangulo matapos ilunsad ang Batas Militar noong Setyembre 21, 1972, na nakabase sa mga dokumento; taliwas sa ospiyal na pag-aanunsyo nito sa telebisyon na isinagawa ni FEM noong Setyembre 23, 1972.
MAKI-BALITA: BALITAnaw: Ang 20 taong pamumuno ni Ferdinand Marcos Sr.-Balita
Pagpanaw ni Ferdinand Marcos Sr.
Matapos mapatalsik sa pagkapangulo si Apo Lakay dahil sa makasaysayang EDSA People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986, nagtungo ang Pamilya Marcos sa Hawaii, USA.
Naospital ang dating Pangulo sa loob ng siyam na buwan sa St. Francis Medical Center, at nagkaroon ng mga karamdaman tulad ng systemic lupus erythematosus, degenerative kidney disorder, sakit sa puso, pneumonia, at bacterial infections.
Dumaan pa umano si Marcos Sr. sa dalawang kidney transplant at tuluyang pumanaw noong Setyembre 28, 1989, dahil sa cardiac arrest, sa edad na 72.
Vincent Gutierrez/BALITA
BALITANAW: Mga 'di malilimutang karanasan ni Apo Lakay sa buwan ng Setyembre
Photo courtesy: MB, Wikimedia Commons (Website)