Ipinagdiriwang sa Pilipinas ang National Teachers’ Month mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 sa bisa ng Presidential Proclamation No. 242 series of 2011.
Bagama’t 2011 lang nang magsimula itong ideklara sa Pilipinas, maiuugat ang mas naunang pagdiriwang nito noong 1994 nang itakda ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) ang World Teachers’ Day.
Kapuwa nilalayon nitong parangalan ang dedikasyon ng mga guro at kilalanin ang mahalagang papel ng kanilang propesyon sa sektor ng edukasyon sa bansa.
Ngunit sapat ba ang National Teachers’ Month para totoong mapahalagahan ang mga guro sa Pilipinas?
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Sir Mark O. Pornasdoro, sinabi niyang bagama’t ipinagpapasalamat niya ang panahong inilalaan taon-taon para pahalagahan ang mga gurong tulad niya, hindi umano dapat ito nagtatapos sa isang buwang selebrasyon lang.
Kasalukuyang nagtuturo si Sir Mark ng Filipino sa Grade 7 at Grade 8 sa Silangang Malicboy National High School na matatagpuan sa probinsiya ng Quezon. Nagsisilbi rin siyang tagapayo ng campus publication sa nasabing paaralan.
Pero bago pa man siya napunta sa pampublikong paaralan ng Silangang Malicboy, ilang taon din siyang nagturo sa senior high school at kolehiyo ng iba’t ibang asignaturang nakalinya sa humanities at social sciences.
“It should be continous, and constantly celebration kahit hindi buwan ng Setyembre at Oktubre,” sagot ni Sir Mark matapos tanungin kung sapat ba ang National Teachers’ Month para mapahalagahan ang mga guro sa Pilipinas. “[H]anggang ngayon naman nakikita pa rin natin ‘yong mga problema na kinakaharap ng mga teacher lalo na ‘yong mga nasa ground.”
Ayon sa kaniya, para maisakatuparan ang lehitimong pagpapahalaga sa mga guro, magsisimula ito sa usapin ng budget na ibinibigay ng gobyerno sa sektor ng edukasyon.
Kung pagbabatayan ang mungkahi ng UNESCO, 6% dapat ng Gross Domestic Product (GDP) ang napupunta sa edukasyon. Pero sa konteksto ng Pilipinas, 4% lang umano ang nailalaan.
Kaya suhestiyon ni Sir Mark, “Lakihan ang budget sa edukasyon at tiyaking ito ay napupunta sa public service. [...] Ang hinihingi ngayon ng iba’t ibang grupo na tungkol sa pagpapaganda ng kabuhayan ng teacher ay gawing ₱50,000. Tingin ko, ‘pag naibigay ‘yon, malaking bagay para mas mapahalagahan pa ang mga teacher. “
“Although, mukha siyang external na balidasyon kasi pera ang hinihingi, pero beyond that pera ay ‘yong mas magandang sikolohiya na, ‘Okay, mataas ang suweldo. Kaya lahat ng mas maayos, lahat ng matatalino, lahat ng marurunong, lahat ng behavior-wise na estudyante ay magte-teacher,’” dugtong pa niya.
Dalawang salilk umano ang nakikita ni Sir Mark kung bakit hindi maibigay ng gobyerno ang mga karapatan at benepisyong dapat naman talaga nilang tinatamasa.
“‘Yong una, legality,” paliwanag niya, “budget-wise [at] economy-wise, ‘di puwedeng ibuhos lahat [ang budget]. ‘Yong pangalawa, theoretically-wise, baka sinasadya na hindi tayo bigyan ng tamang benepisyo para ‘yong mga mapo-produce na mag-aaral ay hindi matuto at mas madali silang mangamuhan na lang.”
Gayunman, optimistiko si Sir Mark na sa pagkakataong ito, maigagawad na ng gobyerno ang marami pa nilang hinihingi na hindi pa ganap na naibibigay partikular ang umento sa sahod.
“Tingnan natin ‘yong galit ng tao. Sapat na siguro munang simula ‘yon. [...] Maganda na siyang maging baseline para pakinggan kung ano ‘yong pangangailangan ng isa sa naiiwang sektor, which is education sector,” aniya.
Dahil kung tutuusin, nagkaroon naman daw ng kongkretong pagbabago sa kanilang sektor sa pagi-pagitan ng panahon sa loob ng higit isang dekada niyang pagtuturo. Bunsod umano ito ng kaliwa’t kanang panawagan.
Ilan sa mga ito ay ang implementasyon kamakailan ng overtime pay, paglalagay ng administrative assistant sa maraming paaralan, at pagiging malay sa karapatan ng kaniyang mga kabaro dahilan para mabigyan ang sarili ng kapangyarihan laban sa anomang abuso ng mas nakakataas sa kanila.
Sa huling bahagi ng panayam, binigyang-diin ni Sir Mark ang halaga ng pagiging simpatetiko sa kapuwa.
Sabi niya, “[K}ung ang bawat guro—sa kabila ng kanilang mga personal na bagahe, mga personal na responsibilidad sa pamilya [at] sa sarili—ay magsasalita, mas magiging epektibo at mas magiging maganda ‘yong kalakaran natin sa edukasyon.”
“Lagi kong sinasabi na kapag ang edukasyon ang tinutukan natin, binigyan natin ng magandang buhay, ng may dignidad na buhay, at may dangal na buhay ang mga guro, it will have a domino effect sa buhay ng mga mag-aaral at sa buhay ng taumbayan,” pahabol pa ni Sir Mark.