Tinanggihan ng Court of Appeals (CA) ang inihaing motion for reconsideration ng Television and Production Exponents Inc. (TAPE) kaugnay ng copyright infringement case laban sa kampo nina Senate President Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey de Leon o TVJ, para sa noontime show na "Eat Bulaga" na napapanood sa TV5.
Ayon sa mga ulat, batay sa desisyong inilabas noong Setyembre 8, ipinagdiin ng CA na walang karapatan ang TAPE sa audiovisual recordings at jingles ng Eat Bulaga! at ginamit lamang umano ang mga ito nang walang pahintulot mula sa totoong may hawak ng copyright.
Bilang bahagi umano ngparusa, pinagbabayad ang TAPE ng ₱2 milyon para sa temperate damages, ₱500,000 para sa exemplary damages, at karagdagang ₱500,000 para sa attorney’s fees.
Kinumpirma rin ng naturang pasya ang naunang ruling na kumikilala sa TVJ bilang lehitimong may-ari ng karapatang-ari sa mga materyales ng nasabing programa.
Matatandaang Enero 2024 nang manalo ang TVJ sa kaso.
Matatandaang noong Disyembre 2023 ay nauna nang ipinawalang-bisa ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHIL) ang Trademark Registration ng TAPE, Inc. para sa titulong “Eat Bulaga!” kaya naman pinalitan ng "Tahanang Pinakamasaya" ang noontime show, noong umeere pa sa GMA Network. Pansamantala namang ginamit ng TVJ ang "E.A.T."
Umalis sa poder ng TAPE, Inc. ang TVJ kasama pa ang iba pang Dabarkads host noong Mayo 2023 dahil sa hindi pagkakaunawaan sa mga may-ari ng una, na pamilya Jalosjos.
KAUGNAY NA BALITA: TVJ, nanalo sa ‘EB’ trademark case vs. TAPE