Isa ang mga mata sa mga pinakamahalagang bahagi ng katawan ng tao dahil sa pamamagitan nito, nagagawang makita ang mga nangyayari sa paligid at nakapagpapatuloy sa araw-araw na pamumuhay.
Ayon sa Optometrists Network, mahigit 80% ng brain process ng tao ay mula sa eye sight, at mahigit isang milyong ugat ang nagkokonekta ng mata sa utak.
Sa dagdag na lathala ng American Optometric Association (AOA), ang mga mata ang itinuturing na “windows into one’s health” dahil ito ang nag-iisang parte ng katawan na unang nakikitaan ng “warning signs” ng iba’t ibang sakit at kondisyon.
Kaya importante ang pag-aalaga at pagsasaalang-alang ng eye health dahil bukod sa pagpapakita sa atin ng mundo, ito rin ay konektado sa iba pang parte ng ating katawan para masigurado ang ating maayos na kalusugan.
Dahil dito, alamin kung ano ang mga nutrisyon at “superfoods” na makakatulong para maalagaan ang mga mata:
1. Orange-colored na gulay at mga prutas na mayaman sa vitamin A
Ayon sa American Academy of Ophthalmology (AAO), ang vitamin A ay kailangan ng retina, o ang parte ng mata na responsable sa pagsalo ng liwanag at pagpapadala ng signal sa utak para tayo’y makakita.
Ang ilan sa mga gulay na mayaman sa vitamin A ay carrots at sweet potatoes o kamote, na mayroong mahigit 200 porsyento nito.
Sa mga prutas naman, kabilang rito ang cantaloupe, na tinatawag ding melon, apricot, mangga, na kinikilala bilang “king of fruits” dahil bukod sa vitamin A, mayaman din ito sa vitamin C at fiber, at papaya.
2. Vitamin C
Ayon din sa AAO, ang vitamin C ay isang antioxidant na mahalaga sa pagkakaroon ng malusog na mga mata, dahil pinoprotektahan nito ang katawan laban sa mga sakit mula sa ating paligid at unhealthy habits.
Ilan sa mga prutas na mainam na pinagmumulan ng vitamin C ay citrus fruits tulad ng orange, tangerine o dalanghita, lemon, grapefruit o suha.
Kabilang din sa mga prutas ay ang strawberry, papaya, at kiwi.
Sa mga gulay naman, narito ang red bell peppers, broccoli, kamatis at ang mga ‘green leafy’ vegetables tulad ng moringa o malunggay na tinatawag ding “miracle vegetable”, water spinach o kangkong, malabar spinach o alugbati, at pechay.
3. Vitamin E
Isa pang antioxidant ay ang vitamin E na nakatutulong para panatilihing malusog ang cells o mga selula.
Ang ilan sa mga prutas na mayaman sa vitamin E ay avocado, kiwi, papaya, at manga.
Sa mga gulay naman, kabilang ang puso ng saging, na mayaman din sa fiber at vitamin A, at squash o kalabasa, na mayroon ding vitamin A at C.
Mayroon ding mga snacks o kutkutin na mayaman sa vitamin E tulad ng almonds, peanuts, at sunflower seeds.
Panghuli naman ay ang itlog, partikular ang yolk o ang pula nito.
4. Omega-3
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang Omega-3 fatty acids ay importante sa eye health dahil nakatutulong ito sa istraktura ng cell membranes ng mata na nagsusuporta sa visual function nito.
Bukod dito, ang Omega-3 ay mayroon din anti-inflammatory properties na nakatutulong para mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng ilang sakit sa mata tulad ng glaucoma.
Ang ilan sa mga pagkaing siksik sa omega-3 ay salmon, mackerel, sardinas, chia seeds, flaxseeds o linasa, at walnuts.
Bukod pa sa mga pagkaing ito, mahalaga na pangalagaan ang mata sa pamamagitan ng regular na checkup sa ophthalmologist, paglilimita sa screentime, pag-iwas sa paninigarilyo, at paggamit ng angkop na proteksyon sa mata.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ano ang mga kadalasang sakit sa mata at paano ito maiiwasan
Sean Antonio/BALITA