January 08, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: ‘Fake News’ vs. ‘Real News,’ paano kikilatisin?

ALAMIN: ‘Fake News’ vs. ‘Real News,’ paano kikilatisin?
Photo courtesy: Unsplash

Kilala bilang “liveliest and freest in Asia,” ang pamamahayag sa Pilipinas ay naglalayon daw na palawigin ang nasyonalismo habang malayang ipinahahayag ang mga pangyayari sa bansa at mga lider na namumuno rito. 

Ayon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), unang nakilala ang pamamahayag sa bansa bilang “freest in Asia” noong 1945 hanggang 1972, o ang post-war hanggang pre-martial law period sa bansa, kung saan, ang mga taon ding ito ang kinilala na “Golden Age.”

Mula rito, yumabong ang industriya ng pamamahayag bilang “watchdog” ng gobyerno, o ang grupong responsable sa pag-iimbestiga ng mga gawain ng mga namamahala para matiyak ang pananagutan at kalinawan. 

Sa kasalukuyan, kung saan ang teknolohiya ay patuloy na umuusbong at ang social media ay isa na sa mga pinakapinagkukuhanan ng impormasyon, ang pamamahayag ay kumakaharap sa misinformation at disinformation. 

Human-Interest

'Hangga't buhay, may pag-asa!' 59-anyos na lalaki, pumasa sa Bar Exams matapos 11th attempt

Ang mga pagsubok na ito ay hamon hindi lamang sa kredibilidad ng pagpapahayag, kung hindi maging ang kakayahan ng publiko na pumili sa kung ano ang tama sa maling impormasyon. 

Bilang responsableng mamamayan, mahalagang malaman na ang fake news ay kadalasang mga istorya o headline na sinasadya para imanupula ang mambabasa, (UNICEF). 

Ito ay isang uri ng disinformation, o maling impormasyon na ginagawa na may intensyong makapanlinlang. 

Sa kabilang banda, ang misinformation naman ay isang mali o hindi tumpak na impormasyon, maaari itong sadya o hindi. 

Kadalasan, ang misinformation ay naipapakalat sa pag-aakalang totoo ang mga impormasyong nakalathala rito. 

Para mas matiyak na may kredibilidad ang impormasyong makakalap online, ito ang ilan sa mga paraan para makilatis ang isang “fake news:”

1. Hanapin ang source 

Siguraduhin na ang publisher ng istoryang binasa ay mula sa isang kilala o maayos na organisasyon, kompanya, o korporasyon. Depende sa nilalaman ng impormasyon, ang background ng publisher ay malaking bagay para malaman kung may kredibilidad ba ang istoryang naibahagi nito. 

2. Tignan kung saan ito naka-post

Mahalagang tandaan na ang isang lehitimong website URL (Uniform Resource Locator) ay walang spelling o grammatical errors, at kadalasan itong magtatapos sa “.com” o “.com.ph.”

3. Kilatisin ang headline

Kadalasan, masususpetsa na fake news ang isang istorya kung “clickbait” ang headline nito o nakaaakit na titulo ngunit kadalasan ay hindi tugma sa nilalaman nito. 

Kung kaya’t importante na basahin ang buong content bago ito i-share sa sariling social media account o maging sa mga kaibigan. 

4. Mag-cross check

Tignan kung ang nabasang istorya ay may koneksyon sa iba pang mapagkakatiwalaang source. 

Kadalasan, kung hindi ito makikita sa iba pang news outlet, ito ay sadyang ginawa para makapanlinlang. 

5. Kilatisin ang sariling paniniwala

Panghuli, tandaan na ang personal bias ay maaaring makaapekto sa pagkilatis ng paniniwalaang impormasyon. 

Tandaan na ang balitang may kredibilidad ay walang pinapaigan, pawang katotohanan lamang, sa kabila ng iba’t ibang pananaw. 

Sean Antonio/BALITA