Umabot sa higit 1,300 silid-aralan sa buong bansa ang nasira ng Severe Tropical Storm Opong at ng habagat, batay sa kumpirmasyon ng datos ng Department of Education (DepEd) nitong Linggo, Setyembre 28, 2025.
Ayon sa DepEd, sa 1,370 silid-aralan na naapektuhan, 891 ang nagtamo ng bahagyang pinsala, 225 ang lubhang napinsala, at 254 ang tuluyang nasira.
Habang sa hiwalay na ulat ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) noong Setyembre 27, tinatayang 13.37 milyong mag-aaral at 569,251 teaching at non-teaching personnel mula sa 23,796 pampublikong paaralan sa 128 dibisyon sa 13 rehiyon ang naapektuhan ng bagyo.
Nasa 121 paaralan sa anim na rehiyon ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers para sa mga pamilyang lumikas, na sumasaklaw sa 20 dibisyon at 400 silid-aralan. Pinakamaraming paaralan na nagsilbing pansamantalang tuluyan ay nasa Calabarzon (72), sinundan ng Eastern Visayas (35).
Bagama’t nakalabas na si Opong sa Philippine Area of Responsibility (PAR) noong Sabado ng umaga, Setyembre 27, sinabi ng DepEd na nagpapatuloy ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan para sa mabilis na damage assessment, pagpapatupad ng response protocols, at paghahanda sa pagbabalik ng klase.
Tiniyak din ng kagawaran na mahigpit nitong binabantayan ang pangmatagalang epekto ng bagyo sa mga paaralan at mag-aaral, at naghahanda ng mga mapagkukunan para sa agarang pagkukumpuni, teknikal na tulong, at psychosocial interventions sa mga apektadong lugar.
Matatandaang nanalasa si Opong sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas noong nakaraang linggo, at nag-landfall sa Eastern Samar, Masbate, Romblon, at Oriental Mindoro. Nag-iwan ito ng mga wasak na kabahayan, napinsalang imprastruktura, at malawakang pagbaha, dahilan para magdeklara ng state of calamity ang ilang lalawigan at lungsod.