Nasabat ng mga awtoridad ang ilang parcels na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang cargo warehouse ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Ayon sa ulat, idineklara ang kargamento bilang carbon water filters at nakatakda sanang ipadala sa Australia nang ito ay mabisto sa x-ray screeners.
Kinumpirma ng isang K9 dog ang presensya ng kahina-hinalang laman ng parcels sa isinagawang sniffing operation. Sa isinagawang manual inspection ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), natuklasan ang humigit-kumulang 58.3 gramo ng hinihinalang shabu.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱83,835.04 ang nakumpiskang droga sa street value.
Wala pang naaresto, ngunit inihayag ng mga awtoridad na ang package ay ipinadala ng isang lalaki mula sa National Capital Region (NCR) patungo sa isang babae sa Australia. Kapuwa sila itinuturing na persons of interest at isasailalim sa masusing imbestigasyon.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group, Ninoy Aquino International Airport–Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), at BOC.
Isinumite na sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ebidensya para sa nararapat na disposisyon.