Tiniyak ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Exec. Director Brian Hosaka sa publiko na maigi nilang iimbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects at pananagutin ang mga mayroong kaugnayan rito.
“Alam ko po ay medyo naiinip ang taumbayan, but we’re here to serve. We’re here to make sure that this problem will not happen again, that people who are responsible for what happened for this mess will be brought to justice,” saad ni Hosaka sa kaniyang panayam sa DZRH nitong Sabado, Setyembre 27.
Bagama’t bagong ahensya pa lamang, binanggit niya na umaandar na ang komisyon para isagawa ang mandato ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., na magsagawa ng imbestigasyon sa mga katiwalian sa flood control projects.
Ipinaliwanag din niya na bilang independent commission, ang mga makakalap nilang impormasyon at ebidensya ay diretso sa Ombudsman, kasunod nito ang pagsusumite ng mga dokumento sa Office of the President o Kamara bilang pagtitiyak na maiwasan ang mga insidente ng katiwalian.
Gayunpaman, nananawagan si Hosaka ng pag-intindi mula sa publiko at tiwala na matagumpay na maisasakatuparan ng ICI ang mandato nito.
"Ang kahirapan lang po dito, sana po maging pesensyoso po. Konting patience pa po from the public, and trust na gagawin po ng ICI yung pinaka kaya niyang magawa para po mabigay sa taumbayan yung gusto nila," aniya.
Sean Antonio/BALITA