“Uy, Philippines!”
Ang mga Pilipino ay kilala sa kanilang pagiging makabayan dahil sa kanilang lubos na pagmamahal sa bayan at mga kapwa-Pinoy.
Sa kasalukuyang panahon, makikita ito sa social media, sa mga trending #PinoyPride, #ItsMoreFunInThePhilippines o “LoveThePhilippines bilang suporta sa mga lokal na negosyo, pagpo-promote ng turismo, panghihikayat sa responsableng pagboto ng mga pinuno, at ang pagbibigay-pugay sa mga talentong nagrerepresenta ng Pilipinas sa ibang bayan.
Kamakailan, sunod-sunod ang mga pangalan na nagtaguyod ng #PinoyPride sa iba’t ibang larangan sa ilang parte ng mundo.
Ang ilan dito ay sina Alex Eala, Jessica Sanchez, Kirk Bondad, at si Veejay Floresca.
1. Alex Eala
Ang 20-anyos na Pinay tennis star na si Alexandra “Alex” Eala ay nakapagtala na ng ilang breakthrough sa taong 2025 hindi lamang sa kaniyang karera bilang manlalaro kung hindi pati na rin sa kasaysayan ng Philippine tennis.
Ang ilan dito ay ang kauna-unahan niyang Women’s Tennis Association (WTA) title, unang Grand Slam win sa USP Open, at ang una niyang WTA 125 title sa Guadalajara.
Gayunpaman, patuloy ang pamamayagpag ng kaniyang karera, dahil muling ipinanalo ni Eala ang WTA 125 semi-finals, matapos niyang talunin ang pambato ng China na si Jia-Jing Lu sa Jingshan Open 2025 nitong Biyernes, Setyembre 26.
KAUGNAY NA BALITA: Alex Eala, secured semifinals ng Jingshan Open matapos talunin si Jia-Jing Lu ng China!
2. Jessica Sanchez
Ang Filipino-American singer naman na si Jessica Sanchez ang nag-uwi ng kampeonato sa America’s Got Talent (AGT) season 20 noong Huwebes, Setyembre 25.
Sa kaniyang winning song na “Die With A Smile” nina American singer-songwriter at aktres na si Lady Gaga at singer-songwriter at musician na si Bruno Mars, nakuha niya ang masigabong suporta ng kaniyang fans sa buong mundo.
Matatandaan na noong 2012, si Sanchez ay naging runner-up sa isa ring singing contest sa US na “American Idol,” at magmula rito, nagpatuloy siya sa industriya ng musika.
Taong 2013, na-release ang kaniyang debut album na “Me, You & the Music.”
KAUGNAY NA BALITA: Jessica Sanchez, itinanghal bilang champion sa America's Got Talent!
3. Kirk Bondad
Ang Filipino-German model at fitness trainer na si Kirk ang nag-uwi ng Mister International 2025 crown noong Huwebes, Setyembre 25 sa Bangkok, Thailand.
Bukod pa sa pag-uuwi ng korona, nakabilang din si Bondad sa top 5 para sa kategorya ng National Costume competition, at sa top 3 naman ng People’s Choice contest.
Sa Question and Answer (Q&A) segment, nang tanungin siya ng, “If you win Mister international and you are invited to speak at the United Nations, what one social or political issue would you choose to highlight and why?" Ang kaniyang naging winning answer ay, “If I were given the honor, I would focus on the children. We need to protect them. I would give them a chance, provide more protection, and cultivate education because today's children will be tomorrow's leaders. Ultimately, I believe that if we collectively make the right decisions, even small steps can have a big impact internationally.”
4. Veejay Floresca
Ang Filipino fashion designer na si Veejay Floresca ang nag-uwi ng panalo sa season 21 ng “Project Runway,” at unang trans woman na nanalo sa nasabing American reality competition.
Ayon sa ilang ulat, sa kaniyang mga “iconic” creation sa season 21, ang kaniyang final collection na hango sa The Terminator franchise ang nagpahanga sa mga hurado.
Ibinahagi ni Floresca na ninais niyang manalo sa kompetisyon sa layong maging inspirasyon sa LGBTQIA+ community.
“I think that will really inspire my community that you can actually reach your dreams by being who you are," aniya.
Unang sumali si Floresca sa season 1 ng “Project Runway Philippines” noong 2008, kung saan, siya ay naging runner-up.
Magmula nito, simula 2012, taon-taon siyang sumusubok pumasok sa “Project Runway” US sa kabila ng mga rejection.
Sean Antonio/BALITA