December 13, 2025

Home BALITA National

Itinuwid pahayag ni Kaufman: Malacañang, may nilinaw tungkol sa interim release ni FPRRD

Itinuwid pahayag ni Kaufman: Malacañang, may nilinaw tungkol sa interim release ni FPRRD
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO

Mariing itinanggi ng Palasyo ang naging mga pahayag sa umano’y “hindi nila pagtutol” sa interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na inihayag ng kaniyang defense team sa Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC). 

Ayon sa naging pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Sabado, Setyembre 27, 2025, sinabi niyang tila “na-master” na umano ng legal counsel ni FPRRD na si Atty. Nicolas Kaufman ang “pagbabaluktot” ng katotohanan. 

“Atty. Kaufman appears to have mastered the art of twisting some facts. He had done this action before when he asserted that the ICC prosecutor had no objection with former President Duterte’s request for an interim release, however after the ICC prosecutor filed an opposition, it was revealed to be his false allegations,” anang Castro. 

Nilinaw ni Castro na hindi umano nakikialam ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa nangyayari ngayong imbestigasyon ng ICC kay FPRRD partikular sa kaniyang paghiling ng pansamantalang paglaya. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“We want to be clear that the Marcos Jr. administration is not privy [to] and has no hand [in] the former President Duterte’s ongoing trial before ICC, particularly his request for interim release,” saad ni Castro. 

Pagpapatuloy pa ni Castro, handa umanong respetuhin ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., ang anumang desisyon ng ICC na nakabatay sa legal na proseso. 

“As part of the legal process, no matter what the ICC decides, we will still respect it,” dagdag pa niya. 

Matatandaang nauna nang ipinagbigay-alam ng defense team ni FPRRD sa ICC ang hindi nila pagtutol at ng “pamahalaan ng Pilipinas” sa mga kondisyong inilatag ng nabanggit na korte kaugnay sa inihaing interim release ng dating pangulo. 

KAUGNAY NA BALITA: Kampo ng depensa, PH gov't walang tutol sa kondisyon ng ICC sa interim release ni FPRRD

Ayon sa ibinigay na dokumento sa Pre-Trial Chamber I sa ICC ng kampo ni FPRRD sa pangunguna ni Atty. Nicholas Kaufman noong Biyernes, Setyembre 26, 2025, makikitang sinabi nilang maaaring maging posible ang interim release niya dahil hindi ito umano tinututulan ng gobyerno ng Pilipinas.

Binanggit ng kampo ni FPRRD ang sinabi ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing noong Miyerkules, Setyembre 24, 2025.

“Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro said Wednesday that Vice President Sara Duterte seemed to benefit from her travels abroad after she said that a third country already expressed approval to host her father, former president Rodrigo Duterte,” saad ni Kaufman so dokumento. 

Ayon kay Castro noon, tatanggapin umano ng pamahalaan ng Pilipinas ang magiging desisyon ng ICC tungkol sa pansamantalang paglaya na hinihiling ng kampo ni FPRRD.

“Nagbunga naman po yata ang madalas niyang pagbibiyahe. So, kung iyan ay good news po sa kanila at kung ano po ang magiging desisyon ng ICC, tatanggapin naman po iyan ng pamahalaang Marcos Jr.,” anang Castro noong Miyerkules.

Mc Vincent Mirabuna/Balita