Magkasunod na tirada ang pinakawalan ni Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga laban sa kapuwa Caviteño na si Senate President Pro Tempore Sen. Ping Lacson.
Sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Setyembre 27, 2025, tahasang iginiit ni Barzaga na isa umanong malaking kahihiyan ng Cavite si Lacson.
“Si Senator Ping Lacson ay isang malaking kahihiyan ng Cavite,” ani Barzaga.
Giit pa niya, tila mas pinipili umano ni Lacson na pagsilbihan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at dating House Speaker Martin Romualdez.
“Mas pinili niyang protektahan si Marcos at Romualdez kaysa pagsilbihan ang taumbayan!” anang mambabatas.
Kasunod ng nasabing FB post, sinundan pa ulit niya ito ng isa pang tirada hinggil sa Discaya na tila protektado umano ni Lacson.
“Mukhang yumayabang na si Discaya, protected by Senator Ping Lacson ng Blue Ribbon Committee na ba?” anang mambabatas.
Matatandaang si Lacson ang kasalukuyang Senate Blue Ribbon Committee Chairman na humahawak sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa maanomalyang flood control projects.