December 13, 2025

Home BALITA Probinsya

DOTr, pabibilisin ang pagsasaayos ng Masbate Airport

DOTr, pabibilisin ang pagsasaayos ng Masbate Airport
Photo courtesy: DOTR (FB)

Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapabilis ng pagkukumpuni sa Masbate Airport matapos ang mahigit-kumulang ₱ 10 hanggang 15 milyong structural damage dito dahil sa hagupit ng bagyong “Opong.”

Ang inisyatibang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ahensya na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero sa mga airport at daungan ng barko kasunod ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo.

Sa pag-iinspeksyon ni acting transportation sec. Giovanni Lopez sa Masbate Airport, sinabihan niya ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na maghanda ng “makeshift” o pansamantalang terminal para sa mga pasahero habang isinasagawa ang pagre-repair ng terminal building.

“Inutusan ko na ang CAAP na maghanap ng lugar dito sa labas kung saan pwede maglagay ng makeshift terminal. Pero ang problema sa ating sitwasyon ngayon ay ‘yong pagbibilhan natin ng construction materials, ay apektado rin [ng bagyo],” aniya.

Probinsya

Higit ₱10M halaga ng marijuana, nasabat sa Ilocos Sur

Dahil dito, inutusan din niya ang CAAP na magsagawa ng emergency procurement para mabilis na makabili ng mga kakailanganing kagamitan sa kasalukuyan at mga susunod pang pagsasaayos.

“Moving forward, dapat typhoon-resilient and architecture and design ng airports at ports natin. Ang daming tumatamang bagyo sa atin every year, kaya dapat structurally prepared lahat ng airport at pantalan,” aniya pa.

Kasama rin sa ininspeksyon ni Lopez ay ang Masbate Port, na nagtamo ng minor damage mula sa bagyong “Opong.”

Kung kaya’t sinabihan niya ang mga opisyales rito na mangalap ng air-to-water converters para masiguradong sapat ang suplay ng maiinom na tubig sa daungan sa sakuna.

“Bilin din sa atin ng Pangulo na dapat laging may pagkain at tubig ang mga pasaherong apektado ng bagyo sa mga paliparan at pantalan. Kaya mahalagang meron kayong air-to-water converters, para sa mga pasahero at eventually, para rin sa nearby communities dito sa pantalan,” saad niya.

Sean Antonio/BALITA