December 13, 2025

Home SHOWBIZ Events

'Di substandard, tinodo, 'di kinupit budget!' Vice Ganda, may hirit tungkol sa stage ng concert ni Klarisse

'Di substandard, tinodo, 'di kinupit budget!' Vice Ganda, may hirit tungkol sa stage ng concert ni Klarisse
Photo courtesy: Screenshot from Circle of Stars (YouTube)

Palakpakan at hiyawan ang audience sa naging hirit ni Unkabogable Star Vice Ganda sa "The Big Night" concert ng tinaguriang "The Nations' Mowm" at Kapamilya Soul Diva singer na si Klarisse De Guzman, na naganap sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City, Biyernes ng gabi, Setyembre 26.

Isa sa mga pangmalakasang celebrity guest ni Klang si Meme Vice, na umpisa pa lang, malaki na ang paniniwala sa kaniya. Sa katunayan, si Vice pa nga ang nag-produce ng concert ni Klarisse sa New Frontier Theater noong nakaraang taon.

"Sobrang happy ko para sa kaniya. Ako yung illegitimate manager niya eh, talagang nakatutok ako sa ticket sales, pati line-up ng guests niya,” sey ni Vice Ganda sa panayam ng ABS-CBN News.

Pero siyempre, Vice Ganda is Vice Ganda, kaya hindi pa rin nawala ang hirit niya matapos ang showdown nila ni Klarisse ng "Sirena" ni Gloc-9.

Events

Chelsea Fernandez, inirampa Maranao Sarimanok sa Miss Cosmo 2025

Pinuri ni Vice Ganda ang stage na aniya ay hindi raw substandard at talagang tinodo ang budget.

"Tingnan mo naman ‘yong stage. Ang ganda-ganda ng stage n'yo. Ang taray, hindi substandard,” hirit ni Vice Ganda, na tila na-gets naman ng mga tao kung ano ang pinasasaringan.

“‘Di ba? May budget. Tinodo ang budget, hindi kinupit ang budget. ‘Pag hindi kinupit, maganda ang kinalalabasan eh," dagdag pa niya.

Hirit pa niya, "'Yong mga people behind, sila 'yong pagod, lapot. Kasi gano’n talaga ang serbisyo. Sa likod, pagod ka, lapot. Ang nakikinabang, ‘yong mga naririto.”

“Sa ibang bahagi kasi ‘di ba, ‘yong mga dapat makinabang—lapot. Pero ‘yong mga dapat magserbisyo, sila ‘yong fresh,” patutsada pa ni Vice Ganda.

Matatandaang very vocal si Vice Ganda sa pagboses hinggil sa isyu ng korapsyon sa pamahalaan, lalo na sa pagputok at patuloy na pinag-uusapang maanomalyang flood control projects.

Sa katunayan, isa siya sa mga nagpahayag ng matinding mensahe tungkol sa korapsyon at nag-iwan pa ng hamon kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa ginanap na "Trillion Peso March" noong Linggo, Setyembre 21.

"Kaya hinahamon ka namin, Pangulong Bongbong Marcos, kung gusto mong magkaroon ng magandang legasiya ang pangalan mo, ipakulong mo lahat ng magnanakaw! Nakatingin kami sa 'yo, Pangulong Bongbong Marcos. At inaasahan ka namin, hindi dahil sa idol ka namin, kundi dahil sinusuwelduhan ka namin at inaasahan natin, na tutuparin mo ang iniuutos naming mga employer mo!"

"Kami ang nagpapasahod sa inyo, tapos na ang panahong natatakot tayo sa gobyerno," giit pa ni Vice Ganda.

KAUGNAY NA BALITA: 'Ipakulong mo lahat ng magnanakaw!' hamon ni Vice Ganda kay PBBM kontra kurakot

May pahayag din siya patungkol sa posibleng pagbabalik ng death penalty para sa mga mapatutunayang korap.

"Ikulong ang mga magnanakaw. Para nga sa’kin, hindi sapat ang kulong eh. Dapat patayin ang mga korap na magnanakaw. Ibalik ang death penalty para sa mga korap,para patayin ang mga magnanakaw, ikulong pati pamilya nila!"

KAUGNAY NA BALITA: 'Dapat patayin sila!' Vice Ganda, isinusulong death penalty sa mga korap

Matatandaang si Vice Ganda ay pinarangalan kamakailan bilang isa sa top taxpaying media personality ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at isa sa mga vocal na artista pagdating sa mahahalagang isyu sa lipunan.