December 13, 2025

Home BALITA

De Lima, iminungkahing ilipat budget ng flood control projects patungong 4Ps

De Lima, iminungkahing ilipat budget ng flood control projects patungong 4Ps
Photo courtesy: via MANILA BULLETIN

May mungkahi si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima hinggil sa pondo ng kontrobersyal na flood control projects.

Sa kaniyang pahayag nitong Sabado, Setyembre 27, 2025, nanawagan siya sa pamahalaan na ilaan ang ₱46 bilyon na nabawi mula sa maanomalyang mga proyekto sa flood control para sa mga programang direktang nakikinabang ang mamamayan.

Kabilang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at mga pangmatagalang programang pangkabuhayan sa mga tinutukoy na programa ni De Lima.

“Mas magandang magamit ang ₱46 bilyong piso na nakuha mula sa maanomalyang mga flood control projects para sa mga programang tulad ng 4Ps at iba pang mga sustainable livelihood programs ng DSWD,” ani De Lima.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

Bilang principal author ng 4Ps Law, kumbinsido siyang dapat gamitin ang pondo upang magbigay ng pangmatagalang suporta na makapagpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga pamilya, sa halip na masayang o magamit sa maling paraan.

Batay sa datos ng Department of Information and Communications Technology (DICT), may 3,802,650 aktibong 4Ps household sa buong bansa noong Mayo 2025, na katumbas ng humigit-kumulang 14% ng kabuuang bilang ng mga household sa Pilipinas.

“Hindi ito dapat gamitin para tumanaw ng utang na loob ang mga Pilipino, kundi para maibalik bilang makabuluhang serbisyo ang perang pinagpaguran at pagmamay-ari ng taumbayan,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang linggo, inaprubahan ng isang subcommittee ng House appropriations ang realignment ng ₱46 bilyon mula sa flood control budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026 tungo sa mga programang panlipunan, kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).