January 25, 2026

Home BALITA

5 hanggang 9 na bagyo, inaasahang mabubuo bago matapos ang 2025

5 hanggang 9 na bagyo, inaasahang mabubuo bago matapos ang 2025
Photo courtesy: PAGASA

Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahang lima hanggang 9 na bagyo pa ang papasok o mabubuo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bago matapos ang taong 2025.

Sa isang news forum nitong Sabado Setyembre 27, 2025, sinabi ni PAGASA Deputy Administrator Marcelino Villafuerte II na nakaranas na ang bansa ng 15 bagyo ngayong taon, kabilang ang “Opong.”

“Inaasahan natin na dalawa hanggang apat ngayong Oktubre. Pagdating ng Nobyembre, dalawa hanggang tatlo. At isa hanggang dalawa naman sa Disyembre. Kaya inaasahan natin ang lima hanggang siyam pang tropical cyclones bago matapos ang taong ito,” ani Villafuerte.

Dagdag pa niya, karaniwang nakakaranas ang bansa ng 19 hanggang 20 bagyo kada taon. 

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

“Kung idagdag natin yung lima hanggang siyam, nasa average tayo. Pero kung umabot sa maximum na siyam, posibleng lumampas tayo sa karaniwan,” paliwanag niya.

Ayon kay Villafuerte, hindi inaasahang magiging mas malalakas ang mga darating na bagyo. 

“Sa Oktubre, Nobyembre, Disyembre, hindi naman natin inaasahan na mas malalakas. Pero mas posibleng mag-landfall, kaya mas kailangan ang paghahanda,” aniya.

Batay sa tala ng PAGASA, sa huling quarter ng taon, mas madalas tamaan ng bagyo ang Visayas at Mindanao.

Pinayuhan ni Villafuerte ang publiko, lalo na ang mga nasa mababang lugar o flood-prone areas, na manatiling updated sa mga forecast ng ahensya, “Dahil posibleng maapektuhan ang Visayas at Mindanao nitong huling quarter, pinapaalalahanan natin ang lahat na paigtingin ang paghahanda,” dagdag niya.

Aniya, katuwang din ng PAGASA ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagbibigay ng abiso at impormasyon sakaling may paparating na bagyo sa partikular na lugar.

Ipinaliwanag din ni Villafuerte na bahagi ng tinatawag na “Christmas Typhoons” ang inaasahang mga bagyo—ang pagdami ng bagyo mula Disyembre hanggang Pebrero o panahon ng Kapaskuhan.

“Actually merong study yung ating kasamahan sa PAGASA kung saan they found out yung Christmas Typhoons, actually yung December, January, February na tropical cyclones yung na-mention nila sa study. They found out that they are increasing particularly doon sa Mindanao area” aniya.