Nasa 19 na katao ang nasawi matapos ang pananalasa ng mga bagyong Opong, Nando, at Mirasol, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado, Setyembre 27, 2025.
Ayon sa NDRRMC, apat ang kumpirmadong patay, habang 15 pa ang sumasailalim sa beripikasyon. Naitala rin ang 18 sugatan, kung saan 14 ang nakumpirma, at 14 na nawawala na patuloy na pinaghahahanap.
Tinatayang 520,000 pamilya o higit 2 milyong katao ang naapektuhan ng magkakasunod na pagtama ng nasabing mga bagyo.
Ayon pa sa NDRRMC, umabot sa 407,914 indibidwal ang inilikas bilang pag-iingat sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Caraga, Cordillera Administrative Region, at Negros Island Region.
Habang hindi naman bababa sa 351,840 katao ang nawalan ng tirahan.
Idineklara na rin ang state of calamity sa 32 lungsod at munisipalidad. Nawalan din ng suplay ng kuryente sa 143 lungsod at bayan, ngunit 105 na rito ang naibalik na. May 14 na lugar ang nakaranas ng water interruption, habang naapektuhan din ang linya ng komunikasyon.
Tinatayang umabot sa ₱822.16 milyon ang pinsala sa imprastruktura sa Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, at Cordillera Administrative Region (CAR). Samantala, nasa ₱914.88 milyon naman ang tinatayang pinsala sa agrikultura, kabilang ang hindi bababa sa 78,267 metric tons na nalugi sa produksyon.