Nagbigay-suhestiyon si dating Commission on Audit (COA) commissioner Heidi Mendoza kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon hinggil sa imbestigasyong isinasagawa nito kaugnay sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Ibinahagi ni Mendoza sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Setyembre 26, ang kaniyang mga suhestiyon sa Public Works Secretary.
“Maraming salamat sa pag-freeze ng mga assets ng inyong iniimbestigahan. Yun lang, it is basic and fundamental na when there is an indication of fraud to be investigated, the first 48 hours is critical to preserve the evidence. Pero tama naman, dapat si Sec. Bonoan yung unang gumawa nyan. Eh kasi naman ang tagal nya bago napalitan,” ani Mendoza.
Suhestiyon niya pa, huwag daw umanong kalimutang tanggalin o kunin at dalhin sa ligtas na lugar ni Sec. Dizon ang mga “hard drives” at “metal cabinets.” Mandohan din daw ang mga district engineer na ibalik ang mga laptops at cellphones na may kinalaman sa kanilang trabaho, sapagkat ito raw ay pagmamay-ari naman ng gobyerno.
“Sa iyong pag-ikot, please do not forget to take out the hard drives, seal metal cabinets, etc. Or, kunin at ipadala sa safe na lugar. Require the District Engineers to turn over their laptops and cellphones. Sa gobyerno naman yan!,” anang dating commissioner.
Rekomendasyon din niyang unahin sa imbestigasyon ang mga bodegang dahil madali umanong sunugin.
“Unahin nyo rin yung bodega. Madaling sunugin yan,” ani Mendoza.
Nagpaalala rin ang dating komisyuner kay Sec. Dizon na uminom ng vitamins, ‘yong anti-stress.
“Mag-take ng vitamins, ‘yong anti-stress. The fight against corruption is a fight against undying enemies. Gumagalang, ang lola mong tumanda na [ri]yan sa paglaban sa katiwalian,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Magkusa na kayo!’ Sec. Dizon, sinabihan mga kawani ng DPWH na i-report ang mga anomalya-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA