December 13, 2025

Home BALITA

P36 bilyong pondo ng DPWH sa flood control, ililipat sa DSWD—PBBM

P36 bilyong pondo ng DPWH sa flood control, ililipat sa DSWD—PBBM
Photo courtesy: screengrab RTVM

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakatakdang ilipat ang tinatayang ₱36 bilyong pondo ng flood control projects sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa pahayag ni PBBM nitong Biyernes, Setyembre 26, 2025, inanunsyo niya ang naturang plano sa nasabing bilyong pondo ng maanomalyang flood control projects.

“Mga kababayan, ikinalulugod kong ibahagi sa inyo na halos ₱36 bilyon na pondo galing sa DPWH na nakuha natin sa flood control project, itong halagang ito ay ilalaan natin sa mga programa ng DSWD,” ani PBBM.

Kabilang sa mga programang pondohan ng naturang budget ay ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Sustainable Livelihood Program (SLP), at iba pa.

'Di kami namimilit!' Mga Duterte, nananatili hangga't gusto ng tao—FPRRD

“Dahil sa karagdagang pondo ng AICS program, dadami ang ating mga kababayan na matutulungan sa panahon ng emergency tulad ng madaliang operasyon, pambili ng maintenance o gamot, at iba pang mga gastos sa pagpapagaling,” dagdag pa niya.

Ang AICS ay nagbibigay ng tulong medikal, pagpapalibing, transportasyon, edukasyon, pagkain, pinansyal na suporta, at iba pang serbisyo o pangangailangan ng mga indibidwal o pamilyang dumaranas ng krisis.

Umugong ang pagtatapyas sa pondo ng DPWH upang ilaan sa iba pang programa na ilang ahensya ng gobyerno matapos pumutok ang isyu ng anomalya at korapsyon sa flood control projects.

Matatandaang binakbakan ni Marcos sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo  ang mga umano’y nangurap sa flood control project na lalong nagpalala ng baha sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.

“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!” saad niya.

MAKI-BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'