Napilitan umanong suungin ng mga residente ng Sitio Ansag, Poblacion Sur, Balasan, Iloilo ang patuloy na tumataas na baha nitong umaga ng Biyernes, Setyembre 26 dala ng hagupit bagyong “Opong.”
Sa pakikipagtulungan ng Brgy. Poblacion Sur sa Bureau of Fire Protection (BFP) Balasan, mahigit 100 residente ang kasalukuyang nailikas mula sa kanilang mga tahanan papunta sa munisipalidad.
Makikita rin na ang mga nasabing rescue group ay umalalay sa mga residente gamit ang isang mahabang lubid dahil hindi na nakikita ang dinadaanang kalsada.
Ayon sa eksklusibong panayam kay Allen Rey Puertas Jaco, isa sa mga residente, ang pagtaas ng baha sa kanilang sitio ay nagsimula nang alas-4 ng madaling araw dala ng malakas na pag-ulan sa nagdaang gabi.
Mananatili rin daw ang mga residente sa kanilang munisipalidad hanggang sa humupa ang baha.
Dahil dito, lubos din siyang nagpapasalamat sa mga kawaning rumesponde sa kanilang komunidad na isa sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong “Opong.”
Sa kaugnay na balita, ayon sa 11:00 AM cyclone bulletin ng PAGASA, nakataas ang signal no.2 sa hilagang parte ng Iloilo, habang ang ibang parte ng probinsya ay nasa signal no.1.
Sean Antonio/BALITA