Inanunsyo ni Akbayan Partylist Rep. Atty. Chel Diokno na mapopondohan na ang libreng kolehiyo sa mga state universities at colleges sa bansa.
Ibinahagi ni Rep. Diokno sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Setyembre 26, na nagbaba ng anunsyo ang House Appropriations Committee hinggil sa paglalaan ng pondo para dito.
“Inanunsyo ng House Appropriations Committee na maglalaan ng ₱12.3B para sa full implementation ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Ang ₱7.8B nito ay ilalabas ng CHED, habang pupunan ng Kongreso ang kulang,” ani Diokno.
“May dagdag ₱9.3B rin para sa Tulong Dunong Program at Tertiary Education Subsidy, na tinanong natin sa CHED kanina,” dagdag pa niya.
Isiniwalat niya ring inabot ng hanggang 1:00 ng madaling araw ang nasabing budget deliberation patungkol sa pondong inilaan para sa buong implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, ngunit ito raw ay sulit para sa edukasyon.
“1AM na natapos ang budget deliberations ngayong gabi, pero sulit ang puyat para sa edukasyon!”
Matatandaang isinunong kamakailan ng kongresista ang Students' Rights and Welfare (STRAW) Bill, na isa ring inisyatibo para sa mga mag-aaral at edukasyon sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Diokno isusulong STRAW Bill para sa mga estudyante-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA