Pinayuhan ng lider-manggagawa at dating senatorial aspirant na si Ka Leody De Guzman ang mga kabataang pumunta sa Mendiola para sa ikinasang kilos-protesta noong Setyembre 21.
Sa latest Facebook post ni Ka Leody nitong Biyernes, Setyembre 26, sinabi niyang bagama’t tama ang nagliiyab na pagmamahal para sa masa at bayan, hindi umano sapat ang galit lamang.
“Tama ang nagliliyab na pagmamahal sa masa at sa bayan. Wastong kasuklaman ang mga korap. Pero hindi sapat ang galit at ‘silakbo ng damdamin,’” saad ni Ka Leody.
Dagdag pa niya, “Ang taumbayang nagsisimula nang mamulat at kumilos noong September 21 ay kailangan nating makakakampi. Kung hindi, madali tayong dadahasin ng mga elitistang trapo (at kapulisang ginawang lantad na berdugo ng madugong ‘War on Drugs’).”
Kaya naman hinimok niya ang mga kabataang umanib sa Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) at Bukluran ng Manggagawang Pilipino.
“Tara na mga sah, tignan natin kung tatagos ba at tunay tayong mga G!” ani Ka Leody.
Matatandaang nauwi sa gulo ang demonstrasyon sa Mendiola, Recto at Quezon Boulevard sa Maynila matapos magkainitan ang hanay ng mga raliyista at pulisya kung saan ilang mga government property ang sinira ng mga demonstrador.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, isang dating politiko raw at abogado ang nasa likod ng nangyaring kaguluhan.
KAUGNAY NA BALITA: Dating politiko, isang abogado, nasa likod umano ng riot sa Mendiola—Mayor Isko