December 13, 2025

Home BALITA National

'Finding Zaldy Co:' DOJ, hihiling ng Blue Notice sa INTERPOL para tukuyin kinaroonan ni Rep. Co

'Finding Zaldy Co:' DOJ, hihiling ng Blue Notice sa INTERPOL para tukuyin kinaroonan ni Rep. Co
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO

Tila hindi pa rin natitiyak ng Department of Justice (DOJ) ang eksaktong lugar na kinaroroonan ni Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co. 

Ayon sa naging pahayag sa midya ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, Setyembre 26, 2025, sinabi niyang inaasikaso na umano nila ang pagpapadala ng kahilingan na maglabas ng Blue Notice ang International Criminal Police Organization (INTERPOL) laban kay Co. 

“We’re working on it. I’m asking assistant secretary Eli [Eliseo] Cruz to help us with the Blue Notice. But of course, kay Zaldy Co[...] we’re still digesting all of it. Kasi nga massive ‘yong information na dumating [in] the past two (2) days. It isn’t that easy to digest everything,” pagbabahagi ni Remulla. 

Sa pagpapatuloy pa ni Remulla, ipinaliwanag niya ang ginagawa ng INTERPOL sa isang taong may Blue Notice. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“To give us information on whereabouts and how they are going about their business. Parang person of interest ‘yan. INTERPOL is being notified that they are subject of an investigation—of criminal investigation,” paglilinaw ni Remulla. 

Dagdag pa niya, hindi umano ganoong kadali na maproseso ang lahat ng maraming impormasyong dumarating sa kanila. 

“You’re talking about [an] affidavit with so many details. Unless you have a photographic memory[...] it’s very hard to just say I know everything. We have to have a matrix. Basta usual ways[...] and mapping out of participation of each person in each activity,” anang Remulla. 

Nilinaw naman ni Remulla na sigurado umano silang nasa Europa si Co sa pagitan ng dalawang bansang Spain at France. 

“Nasa Europe ‘yon. Sa Spain o France. A lot of text messages are coming in that he’s in France,” pagtatapos niya. 

Matatandaang nagpadala na ng sulat si Co kay House Speaker Faustino Dy hinggil sa pagkaka-revoke ng kaniyang travel clearance. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘I have every intention to return to the Philippines!’ Zaldy Co, pinalagan revocation ng travel clearance niya

Ayon kay Co, ikinalungkot at ikinabahala raw niya nang matanggap ang kautusan ni Dy na nagre-revoke sa kaniyang travel clearance.

“I received news of your revocation of my travel clearance with both sadness and grave concern,” ani Co.

Iginiit din niyang tila pinagkakaitan daw siya ng sapat na oras upang makapagpagamot matapos ang palugit na 10 araw para makabalik siya ng bansa.

“I am saddened that my colleagues in the House of Representatives would deprive me of the time needed for medical care that I have long previously scheduled,” saad ni Co.

Dagdag pa niya, “And gravely concerned that the decision to revoke my travel clearance was borne by pressure, rather than adherence to facts and procedure.”

Nilinaw naman ni Co na may intensyon daw siyang bumalik ng bansa upang mapabulaanan umano ang mga paratang ibinabato laban sa kaniya kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Samantala, sinagot naman agad ni Dy ang liham na ipinadala sa kaniya ni Co. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Tuloy ang deadline!' Speaker Dy, nanindigang hanggang Sept. 29 na lang palugit kay Rep. Co para makauwi

Sa pahayag ni Dy nitong ding Biyernes, Setyembre 26, 2025, siniguro niya na wala umanong dapat ipangamba si Co hinggil sa kaligtasan niya at ng kaniyang pamilya.

“Let me assure you that, should you choose to return home, the House will coordinate with the proper authorities to secure your safety and of your family,” ani Dy.

Pinalagan din ni Dy ang naging pahayag ni Co na may “prejudgement” na raw ang Kamara laban sa kaniya nang ibaba ang kautusang i-revoke ang travel clearance niya.

Iginiit ng House Speaker na mas mainam din daw kung uuwi na lang si Co upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya, kaysa sinasagot niya ang mga ito mula sa abroad.

Mc Vincent Mirabuna/Balita