December 13, 2025

Home BALITA Metro

DPWH Sec. Dizon, nagbaba ng SCO sa District Engineer na nangasiwa sa isang pumping station sa Tondo

DPWH Sec. Dizon, nagbaba ng SCO sa District Engineer na nangasiwa sa isang pumping station sa Tondo
Photo courtesy: DPWH (FB)

Nagbaba ng Show Cause Order (SCO) si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon sa District Engineer ng North Manila District Engineering Office hinggil sa mga iregularidad sa Sunog Apog Pumping Station Flood Control Project, Tondo, Maynila. 

Ang SCO ay ibinaba matapos ang surprise inspection ni Dizon sa nasabing pumping station kamakailan kasama si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser Benjamin Magalong at Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso. 

Sa nasabing memorandum, nabanggit na ang mga sumusunod: 

1. Ang pumping station ay hindi naging operational sa mga residente ng Tondo simula nang matapos ang construction nito noong 2020. 

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

2. Imbis na makatulong sa problema ng pagbabaha, ang pasilidad ay nakadagdag pa sa problema. 

3. Ang proyektong ito ay walang building permit at kuryente. 

4. Bukod sa ₱94 milyong halaga ng upgrade, gumastos pa rito ng karagdagang ₱200 milyon sa kabila ng kawalan ng “proof of functionality.” 

5. Kakulangan ng koordinasyon sa Manila City Government para sa pagpaplano at implementasyon. 

“These circumstances, if left unexplained, may constitute gross neglect of duty, grave misconduct, inefficiency, and/or conduct prejudicial to the best interest of the service, in violation of civil service laws, rules, and regulations,” dagdag pa sa memorandum. 

Nagbigay rin ng limang araw ang DPWH sa Manila District Engineer para tumugon sa pamamagitan ng isang written explanation. 

Ang Sunog Apog Pumping Station ay ginastusan ng mahigit ₱774 milyon sa layong maiwasan ang pagbaha katulad ng mabababang lugar gaya ng España, Sampaloc, Rizal Avenue, at Maria Clara.

Gayunpaman, ayon sa Barangay Chairman ng lugar, hindi ito nagamit at nakadagdag lamang sa pagbaha sa kabila ng taunang repair na isinasagawa rito. 

Sean Antonio/BALITA