Pinabibilisan ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Atty. Leila de Lima ang pagsasabatas ng House Bill No. 4453, na layon umanong tumulong upang lumabas ang katotohanan at masiguro ang “accountability” ng mga taong may kinalaman sa mga iregularidad sa flood control projects.
Ibinahagi ni De Lima sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 25, ang kaniyang panawagang isabatas ang HB 4453.
“As the plot thickens, it becomes even more urgent and imperative to pass House Bill No. 4453. To ferret out the truth and ensure accountability–whoever is involved–Congress must act swiftly and decisively,” ani De Lima.
Aniya, ito raw umano ang “biggest corruption scandal in our history,” at hindi raw umano ito kayang imbestigahan nang mag-isa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), kung kaya’t nararapat bilisan na rin umano ng Department of Justice (DOJ) at Ombudsman ang pagsampa ng kaso.
“This is the biggest corruption scandal in our history, and we cannot address it with partial solutions. Hindi sapat at hindi kakayanin ng ICI na imbestigahan ang napakalawak na katiwaliang ito gamit lang ang limitadong kapangyarihan nito. Dapat na ring bilisan ng DOJ at Ombudsman ang pagsasampa ng matitibay na mga kaso,” anang kongresista.
“Manatili po tayong mulat. Dahil sa bawat pinapangalanan, pwedeng may pinagtatakpan. Sa bawat inilalaglag, pwedeng may isinasalba at naghuhugas ng kamay. Habang may nagbibigay linaw, may pilit nagpapalabo at nanggugulo,” dagdag pa niya.
Matatandaang ninanais ng kongresista na isabatas ang panukalang ito upang bigyan ng ngipin ang ICI hinggil sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
“Sa lawak ng sabwatan sa mga maanomalyang flood control projects, dapat tapatan ito ng mas malakas at may ngipin na independent commission para panagutin ang mga buwaya sa gobyerno at pahirap sa mga Pilipino,” aniya.
Vincent Gutierrez/BALITA