Na-tamper ang Wikipedia details ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa loob ng dalawang oras noong Huwebes, Setyembre 25, kung saan binago ang kaniyang apelyido mula “Co” tungo sa “Co-rakot.”
Ayon sa ilang netizens na nakadiskubre ng pagbabago sa birth name ni Co, nag-google sila ng pangalan ng mambabatas matapos ituro ng ilang testigo si Co bilang umano’y nasa likod ng malakihang kickback mula sa mga “ghost” o substandard na flood control projects sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nang makita ang pahina, napansin ng netizen na binago ang birth name ni Co at ginawa itong “Co-Rakot,” na ang ibig sabihin sa Filipino ay “kurakot” at sa English ay “corrupt.”
Makikita rin sa update history ng pahina ang rebisyon sa kaniyang birth name mula “Co” tungo sa “Co-rrupt” na ginawa alas-6:44 ng umaga noong Setyembre 25.
Ayon sa netizens, naibalik ang mga binagong detalye sa orihinal na anyo makalipas ang dalawang oras.
Matatandaang naging matunog ang pangalan ni Co matapos pumutok ang isyu ng anomalya at korapsyon sa flood control project kung saan sinasabing sangkot siya sa isa sa mga kontraktor na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon sa sinumpaang pahayag ni Curlee Discaya—isa sa mga kontraktor ng gobyerno, kasama sina dating House Speaker Martin Romualdez at Co bilang mga opisyal na nakakatanggap umano ng 25% sa budget ng flood control projects na hawak ng mga Discaya.
“Karamihan sa mga kawani ng DPWH na nabanggit sa itaas ay paulit-ulit na binabanggit ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay at least 25%,” ani Curlee.
Saad pa niya, “Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kaniyang malalapit na kaibigan.”
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co