Kung may maituturing na bansang laging sinasalanta ng mga bagyo taon-taon, isa ang Pilipinas sa maaaring gawing halimbawa sa kasong ito.
Ang heograpiyang lokasyon ng bansang Pilipinas ay saklaw ng tinatawag na “Western Pacific Typhoon Belt” na kung saan ay madalas na pinagsisimulan ng pagbuo ng isang bagyo sa buong mundo.
Kaya hindi na bago sa mga Pilipinong makaranas ng 15 hanggang 20 na bilang ng mga bagyong nabubuo sa bansa at walo (8) hanggang siyam (9) dito ay tumatawid sa ating lupain taon-taon ayon sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Ngayong Setyembre 26, 2025, inaalala ng mga Pilipino ang naging pananalasa ng Bagyong Ondoy, o Ketsuna sa pang-internasyunal nitong Pangalan, noong Setyembre 26, 2009, 16 taon na ang nakalilipas.
Isang bagyong nabuo sa hilagang bahagi ng Pilipinas at inakala ng mga Pilipinong isang tipikal na Low Pressure Area (LPA) ngunit kalaunan ay nagdulot ng bangungot sa maraming pamilya at mamamayan.
Sabado, Setyembre 26, 2009 noon, nag-landfall sa Hilagang Luzon ang Bagyong Ondoy at kalaunan ay nanalasa sa kalak’han ng Maynila.
Ayon sa mga naging tala, may bilis na 165 km/hour at nagbagsak ng 454.9 mm na ulan ang Bagyong Ondoy. Nalubog sa baha ang mga siyudad sa Metro Manila.
Isa sa pinakanagtamo ng malaki at nakalulungkot na pinsala ang siyudad ng Marikina kung saan lumubog ang kanilang lugar sa sampung (10) talampakang lalim ng baha. Nasawi ang tinatayang 78 bilang ng mga Pilipinong nakatira sa nasabing lugar. Ito ang pinakamaraming bilang ng mga nasawi kumpara sa ibang siyudad sa Metro Manila.
Umabot naman sa 671 ang kabuuang bilang ng mga nasawi, 529 na nasaktan, at 37 bilang ang mga hindi natagpuan dulot ng naturang pananalasa ng Bagyong Ondoy.
Habang 4,901,234 milyong bilang naman ng mga indibidwal mula sa 993,227 libong bilang ng mga pamilya ang kabuuang naapektuhan noon ng Bagyong Ondoy. 15,798 bilang ng mga pamilya o 70,124 na mga indibidwal naman ang pumunta sa 244 na mga evacuation center na ginamit sa mga apektadong lugar partikular sa mga siyudad ng Pasig, Quezon City, Manila, Caloocan, Muntinlupa, Marikina, at iba pa.
Mahigit isang linggo matapos ang naging pananalasa ng Bagyong Ondoy, tumaas sa 383 ang kabuuang bilang ng mga nagkaroon ng leptospirosis mula sa siyam (9) na mga hospital sa buong Metro Manila ayon sa ulat ng Department of Health (DOH).
Dahil dito, nagdeklara si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng state of national calamity batay sa Proclamation No. 1898 noong Oktubre 2, 2009 at para na rin makapaghanda sa sumunod din agad na Bagyong Pepeng na nag-landfall sa bansa noong Oktubre 3, 2009.
Makalipas ang 16 na taon ng naging pagragasa ng Bagyong Ondoy, pinatatag nga ba nito at ng mga sumunod pang bagyo ang mga Pilipino?
Kamakailang naging usap-usapan ang mga anomalya sa flood-control projects sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Tumambad ang mga proyektong tinipid at hindi natapos sa kabila ng mga malalaking pondong inilaan ng gobyerno sa maraming kontratista at district engineers mula sa nasabing ahensya.
Tinuro ng mga siniyasat na kontratista at district engineers ang mga kongresistang ang ilan ay wala na umano sa bansa, at mga senador na hindi pa napapatunayang may pagkakasala hanggang sa ngayon.
Gumawa ng malawakang kilos-protesta ang mga maraming bilang ng mga mamamayan sa Luneta, Ermita, Metro Manila, Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) Shrine at People Power Monument sa Quezon City, Liwasang Bonifacio, at Campo Aguinaldo sa QC ngunit wala pa rin naging responsable sa mga galit na damdaming isinigaw ng taumbayan.
Nitong Biyernes, Setyembre 26, 2025, nagsimula nang manalasa ang Bagyong Opong. Pangalawang beses na nitong mag-landfall sa Palanas, Masbate nitong 4:00 ng umaga mula noong gabi ng Huwebes sa San Policarpo, Eastern Samar.
Inaasahang mararamdaman ang hagupit nito sa kalak’han ng Maynila dala ang malakas na hangin at ulan. Tila muling lulubog ang mga kalsada at lansangan. Hindi mapapakali ang mga Pilipinong may madaling masirang tahanan o ang iba ay wala talagang matirahan at nananatili lang sa kalsada. Mababasa sila ng ulan. Manginginig ang bulnerableng katawan ng mga paslit. Magugutom. Luluha.
Naging handa ba ang mga Pilipino sa lagi’t laging ganitong uri ng kalamidad?
O bilang Pilipino, normal na lang ba ang magtiis sa anomang paghihirap?
Mc Vincent Mirabuna/Balita