December 14, 2025

Home BALITA

Appointment ni Magalong bilang 'special adviser' sa ICI, muling ipakakalkal ni PBBM—Palasyo

Appointment ni Magalong bilang 'special adviser' sa ICI, muling ipakakalkal ni PBBM—Palasyo
Photo courtesy: screengrab RTVM/FB, Contributed photo

Inihayag ni Palace Press Undersecretary Claire Castro na muli umanong ipasisilip ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang legal team kung tama ang pagtatalaga kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Sa kaniyang press briefing nitong Biyernes, Setyembre 26, 2025, iginiit niyang tila nagkakaroon daw ng problema umano si Magalong na pagsabayin ang kaniyang tungkulin sa ICI at ang pagiging alkalde sa Baguio City.

“Narinig din po natin ang kagalang-galang na Mayor Magalong na nauubusan na yata siya ng oras o busy siya sa Baguio City dahil abala siya sa ICI. Hindi po gugustuhin ng Pangulong Marcos Jr. na makaligtaan ni Mayor Magalong ang mga kababayan natin sa Baguio City,” ani Castro.

Dagdag pa niya, “At kailangan unahin po rin ang mga kababayan natin sa Baguio City dahil siya po ay special adviser, hindi naman po niya kinakailangan na ubusin ang oras sa ICI dahil hindi po siya miyembro ng ICI.”

National

NCRPO, may ilang paalala sa mga mamimili, motorista ngayong holiday season

Iginiit din ni Castro na nakausap nila ang Pangulo at ipinaabot dito ang posibleng conflict of interest at paglabag sa Konstitusyon dahil sa pagkakaroon ng dalawang posisyon ni Magalong.

“Ang sabi po ng Pangulo ay ipapaaral niya ito sa legal team, at kung saan po siya maaaring maisama o saan po siya nararapat, ay doon po siguro siya puwedeng isama para po hindi ma-compromise ang independence ng ICI at hindi rin po magkaroon ng violation sa anumang batas,” saad ni Castro.

Matatandaang kamakailan lang ng punahin ni Sen. Win Gatchalian ang pagkakatalaga kay Magalong sa ICI.

“I think, he needs to decide whether he wants to be the mayor, or he want to pursue this ICI role. But it’s going to be very complicated to have a dual role because both roles are very important. And it deserves full-time attention,” ani Gatchalian.

Samantala, mananatili pa ring alkalde ng Baguio si Magalong sang-ayon sa pahayag na inilabas niya kamakailan, matapos pabulaanan ang lumutang na bali-balitang magbibitiw umano siya sa naturang posisyon.

Maki-Balita: Magalong, pinabulaanang nagbitiw siya bilang Baguio City mayor