Nagpasaring si Unkabogable Star Vice Ganda hinggil sa sunurang pagkakapanalo ng mga Pinoy sa mga kompetisyon sa ibang bansa, ngunit mismo sa Pilipinas ay talo umano ang mga Pilipino.
Tahasang bumanat si Vice Ganda sa episode ng “It’s Showtime” nitong Huwebes, Setyembre 25, matapos ang pagkakapanalo ng Fil-Am singer na si Jessica Sanchez sa “America’s Got Talent” Season 20.
MAKI-BALITA: Jessica Sanchez, itinanghal bilang champion sa America's Got Talent!-Balita
“Ang agang regalo, kapapanalo lang ni Jessica Sanchez. Congratulations, Jessica Sanchez, Grand Winner sa America's Got Talent (AGT) Season 20. Ang taray, 'di ba? Noong katatapos lang na The Voice sa Amerika, Pilipino ang nanalo. Ngayong katatapos lang ng America's Got Talent, Pilipino din ang nanalo,” ani Vice Ganda.
“Kung saan-saan na nananalo na ang mga Pilipino sa ibang bansa, sa Pilipinas na lang talo ang mga Pilipino, ha? Nakakahiya! Kailangang manalo ang mga Pilipino sa Pilipinas! Kaya sa mga inaasahan namin, ipanalo n'yo naman kami,” dagdag pa niya.
Inilahad din ng “It’s Showtime” hosts ang kanilang mga komento hinggil sa tinuran ni Vice Ganda.
Ani Vhong Navarro, suwerte daw umano ang nasa sinapupunan ni Jessica. Ayon naman kay Jhong Hilario, “Isa na siyang Jessica Success.” Dagdag naman ni Amy Perez sa banat ni Vice Ganda, kailangan na umanong baguhin ‘yan[g sistema na ang mga Pilipino ay talo mismo sa Pilipinas.]
Matatandaang isa si Vice Ganda sa mga personalidad na madalas magkomento hinggil sa umano’y malawakang korapsyon sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda, nag-react sa umano'y ₱35.24B inserted funds ni Zaldy Co sa Bulacan flood control projects-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA