December 16, 2025

Home BALITA

Richard Heydarian, sinabing oras na ni Bato para ipakita 'loyalty' kay FPRRD

Richard Heydarian, sinabing oras na ni Bato para ipakita 'loyalty' kay FPRRD
Photo courtesy: Richard Heydarian (FB), MB


Nagpasaring ang political analyst na si Richard Heydarian na oras na umano ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa upang ipakita ang “loyalty” nito sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos madawit ang nasabing mambabatas, kasama ang dating Justice Secretary na si Vitaliano Aguirre II, sa “pre-confirmation brief” na inilabas ng International Criminal Court (ICC), na nagpapaliwanag sa isinampang 3 counts of murder kay FPRRD. 

KAUGNAY NA BALITA: ICC Prosecutors, sinampahan na si FPRRD ng 3 counts of murder-Balita

Ibinahagi ni Heydarian sa kaniyang X post nitong Huwebes, Setyembre 25, na oras na ng mambabatas upang ipakita ang “loyalty” nito kay “Tatay,” at samahan umano ito sa The Hague, Netherlands.

“BATO!!! Time to show LOYALTY to TATAY and JOIN him in THE HAGUE for ICC TRIAL voluntarily!!!” ani Heydarian.

“Diba sabi mo noon, ‘if wala kang ginawang mali dapat Wala kang ikakaTAKOT’!” dagdag pa niya.

Sa pakikipanayam ni Sen. Dela Rosa sa NewsWatch Plus Philippines kamakailan, inihayag niya ang kaniyang sagot hinggil sa mga komento na kung wala silang kasalanan ni FPRRD hinggil sa umano’y madugong War on Drugs ng dating administrasyon, sila ay hindi dapat matakot.

“Kung takot ‘yon, pumunta na ‘yon ng China, nagtatago na doon sa China. Hinarap naman niya… You have to understand that we have our basic rights… Lahat ng pwedeng remedies na puwede naming ma-avail, we will do it,” ani Dela Rosa.

Matatandaang si Sen. Dela Rosa ang nanilbihan bilang Philippine National Police (PNP) chief noong Duterte Administration, bago pa man ito maging mambabatas, na humarap din sa ilang kontrobersiya ukol sa umano’y drug war sa panahon ni FPRRD.

Vincent Gutierrez/BALITA