Binira ni dating House Speaker Martin Romualdez ang witness na umano’y iniharap na Sen. Rodante Marcoleta at nagbunyag ng pagde-deliver daw nito ng pera para sa kaniya at kay Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
Sa pahayag na inilabas ni Romualdez nitong Huwebes, Setyembre 25, 2025, tinawag niyang gawa-gawa lamang daw ang isinalaysay ng dating sundalo na si Orly Regala Guteza na nagpakilalang dating security consultant ni Co.
“The so-called testimony of Sen. Macoleta’s witness is an outright and complete fabrication—nothing more than a desperate attempt to link me to supposed kickbacks where none exist. Pilit na pilit,” ani Romualdez.
Matatandaang sa ikaanim na pagdinig ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa isyu ng korapsyon sa flood control projects, ay muling nakaladkad ang pangalan ni Romualdez matapos lumutang si Guteza na siya raw taga-deliver ng pera para sa kanilang dalawa.
“Tagabuhat lang ako ng maleta ng basura. Ang ibig sabihin ng basura ay maleta na may lamang pera,” ani Guteza.
“Mas maraming pagkakataon na nagde-deliver kami ng basura sa bahay ni Speaker Romualdez at sa bahay ni Congressman Zaldy Co dahil iba-iba kaming mga naka-detailed na close in, back-up at advance party na nagkakaroon ng rotation,” saad niya.
Kabilang sina Co at Romualdez sa mga pangalan ng mga mambabatas na nilaglag ng mga Discaya na umano’y nanghihingi ng kickback sa halaga ng kontrata mula sa gobyerno.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co
Pagpupuna ni Romualdez, hindi raw totoo ang pahayag ni Guteza sa pagbanggit nya ng kaniyang bahay sa McKinley dahil matagal na raw itong under renovation.
“Imposible iyan. That property has been under renovation since January 2024 and was unoccupied except for construction workers. Falsus in uno, falsus in omnibus—false in one thing, false in everything,” anang mambabatas.
Kaugnay ng nasabing pahayag ni Romualdez, nanindigan din siyang hindi raw siya nangulimbat ng kahit na ano mula sa pondo ng bayan, taliwas sa mga ibinabato sa kaniyang mga paratang.
“Kahit kailan, hindi ako nagnakaw ng pondo ng bayan. Hindi ko kailangan ang perang galing sa masa,” ani Romualdez.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Di ako nagnakaw ng pondo ng bayan!’ Romualdez, itinanggi mga alegasyon laban sa kaniya