Isang 52-anyos na lalaki ang umamin na siya ang nakasaksak sa 15-anyos na estudyante sa naganap na kaguluhan sa Quiapo noong Setyembre 21, 2025.
Ayon sa suspek, nagawa niya umano ang krimen dahil sa takot matapos makaramdam ng banta mula sa grupo ng kabataang sinasabing nambabasag ng mga motorsiklo malapit sa kaniyang puwesto.
Matatandaang sumiklab ang gulo sa kanto ng C.M. Recto Avenue at Quezon Boulevard sa gitna ng malalaking protesta. Kinilala ang suspek na si Richard Francisco, residente ng Tondo,
Habang kinilala ang biktima bilang isang Grade 10 student mula Barangay Rizal, Taguig City. Ayon sa imbestigasyon, nakita ni Francisco ang ilang kabataan na nagpapatumba ng mga motorsiklo at inakala niyang papalapit na ang mga ito sa kaniyang puwesto.
Bunsod umano sa pagkataranta, gumamit siya ng maliit na patalim na karaniwang gamit sa kaniyang trabaho at sinaksak ang biktima nang ito ay lumapit.
Sa isang video na kumalat online, makikitang sinipa ng biktima ang isang motorsiklo bago siya nilapitan at sinaksak ni Francisco. Tumakbo ang biktima ngunit kalauna’y binawian ng buhay dahil sa tinamong sugat.
Samantala, boluntaryong sumuko si Francisco sa Barbosa Police Station (PS-14) kasama ang kaniyang anak at isang intelligence personnel.
Samantala, sa hiwalay na pahayag, ipinahayag ni Manila City Mayor Isko Domagoso ang kaniyang pagdadalamhati sa pagkasawi ng kabataan.
“Nalulungkot ako na may isa na namang magulang ang umiiyak ngayon. Masakit mawalan ng anak,” aniya.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ng alkalde ang publiko na huwag umanong maging batas sa sarili.
“Alam ko, mahirap, lalo na kung gusto mong protektahan ang sarili at ang iyong naipundar. Pero ang buhay, hindi na natin maibabalik,” aniya, kalakip ang pag-amin na parehong may nasayang na buhay—ang estudyanteng nasawi at ang suspek na ngayo’y nakakulong.
Ayon kay Domagoso, agad na “naresolba at naisara” ang kaso dahil sa kusang pagsuko ng suspek.
Hindi pa kumpirmado ng mga awtoridad kung ang biktima ay aktibong nakilahok sa paninira o nadamay lamang sa insidente.