Nilinaw ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na si Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co ang nagdedesisyon kung saang lugar pa maaaring maglagay ng flood control projects, matapos umanong mapuno ng naturang proyekto ang distritong hawak ni Alcantara.
Ayon kay Alcantara, napansin umano ni Rep. Co na tila bumaha na raw ng flood control projects sa distritong hawak ni Alcantara, kaya’t nag-utos at nagpatulong daw itong magpahanap ng mga lugar na pwede pang paglagyan ng flood control projects.
“Upon the instruction of Cong. Zaldy Co, sabi niya, ‘Masyado nang malaki yung Bulacan. Puwede ka bang tumulong na makapagbigay din sa ibang district?’” ani Alcantara.
Iginiit din ni Alcantara na hindi raw politiko ang kinakausap niya sa paghahanap ng mga lugar na papayag lagyan ng nasabing proyekto, bagkus ay kapuwa mga district engineers din daw.
“Hindi po politiko ang kausap ko dito, it’s the district engineers. ‘O gusto n’yo ba mayroong ganito?’ Kung sino ang interesado, papasa po ng listings sa akin your honor,” saad niya.
Kasunod ng utos ni Rep. Zaldy Co, hiningan niya ng listahan ng mga proyekto ang ibang District Engineers na maaaring bagsakan ng pondo alinsunod sa napag-usapang hatian. Ang ibang pondo ay ibinaba sa Tarlac 1st, Tarlac 2nd, Pampanga 3rd, at Bulacan 2nd.
Samantala, matatandaang nitong Huwebes din, Setyembre 25, nang aminin ni Alcantara na wala raw silang pinipiling proyekto ng DPWH na hindi nila gagatasan upang makapagbigay ng porsyento sa mga politiko, kabilang na rin si Co.
Aniya, “Lahat po ng projects ay mayroon po ang office at mayroon po ang mga proponent po your honor.”
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Mga politiko at gov't officials na nanghingi umano ng 10-25% share sa proyekto ng mga Discaya