Mariing itinanggi ni Marikina 1st District Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro ang mga umano'y paratang na ipinupukol sa kaniya, kaugnay ng dalawang kasong isinampa laban sa kaniya.
Ayon sa inilabas na pahayag ni Teodoro nitong Huwebes, Setyembre 25, 2025, sinabi niyang “malisyoso at hindi totoo” ang mga alegasyong isinampa sa kaniya at pawang walang mga sapat na basehan.
“Ang mga akusasyon sa akin ay MALISOSYO AT HINDI TOTOO. Ang kanilang mga alegasyon ay walang sapat na basehan at gawa-gawa lamang na ang intensyon ay sirain ang aking reputasyon,” panimula ni Teodoro.
Aniya, mukha umanong “politically motivated attack” ang mga paratang laban sa kaniya.
“Mukhang politically motivated attack laban sa akin. May mga tumatrabahong pwersa. Sobra na at sunod-sunod ang mga atake sa akin nakakaawa na ako,” saad pa ni Teodoro.
Dagdag pa ni Teodoro, hindi pa raw nakararating ang pormal na reklamong isinampa sa kaniya kaya hindi pa umano niya alam ang kabuuang mga detalye sa mga naturang alegasyon.
“Sa ngayon, hindi ko pa natatanggap ang pormal na reklamo na isinampa sa akin, kaya wala akong kabuuang detalye or impormasyon tungkol sa mga alegasyon na ito,” ayon kay Teodoro.
“Ang isang alegasyon ay hindi maituturing na ebidensya,” pahabol pa niya.
Nilinaw ni Teodoro ang sinabi ng Department of Justice (DOJ) batay sa kanilang Circular no. 20 (2023) na kailangan umanong magkaroon muna ng sapat na ebidensya sa pamamagitan ng pagsasailalim sa kaniya sa case build-up at legal evaluation bago tumungo ang isinampang kaso sa preliminaryong imbestigasyon.
“Ayon sa Department of Justice (DOJ) Circular No. 20 (2023), the complainants will undergo case build-up and legal evaluation to determine sufficiency of evidence before any preliminary investigation.
“Malinaw sa nakasaad na DOJ Circular, na dapat may legal evaluation at pagsusuri ng ebidensya bago magsagawa ng preliminary investigation, kaya maituturing ito na isang alegasyon pa lamang,” pagbabanggit ni Teodoro.
Nanawagan naman si Teodoro na magkaroon ng impartial at malinis na imbestigasyon ang mga paratang na ibinato sa kaniya.
“Nanawagan at umaasa ako sa isang impartial, transparent, at bukas na imbestigasyon upang maproteksyunan ko ang aking reputasyon dahil sunod-sunod na ang atake laban sa akin,” pagtatapos ni Teodoro.
Matatandaang nauna nang maglabas ng pahayag ng DOJ nitong Huwebes kaugnay sa pagsasampa ng kaso ng dalawang babaeng pulis laban kay Teodoro.
KAUGNAY NA BALITA: Marikina 1st Dist. Rep. Marcelino Teodoro, sinampahan ng 2 reklamo sa umano'y rape, acts of lasciviousness
Ayon sa naging pahayag ni DOJ Spokesperson Jose Dominic Clavano IV, sinabi niyang mula ang reklamo sa dalawang babaeng pulis na na-assign noon bilang close-in security ni Teodoro.
“The Department of Justice (DOJ) confirms that two complaint-affidavits have been filed before the National Prosecution Service against Congressman Marcelino Reyes Teodoro for alleged violations of the Revised Penal Code.
“The complainants are both female police officers who had been assigned as the respondent’s close-in security at different times,” saad ni Clavano.
Pagbabahagi ni Clavano, lumabag umano si Teodoro sa Article 336 ng Revised Penal Code o Acts of Lasciviousness sa unang nagsampang babaeng pulis habang paglabag naman sa ilalim ng Article 266-A(2) o Rape by Sexual Assault sa isa pang babaeng pulis na kaniya noong naging close-in security.
Samantala, nananatili namang pribado ang pagkakakilanlan ng dalawang babaeng pulis na nagsampa ng kaso laban kay Teodoro para sa kanilang seguridad.
Mc Vincent Mirabuna/Balita