Hinikayat ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang mga empleyado ng ahensya na direktang i-report ang mga katiwalian at anomalyang makikita nila sa flood control projects.
“I’m telling all the people in DPWH now, kung mayroong ganito sa inyo, huwag niyo nang hintaying pumunta ako d’yan. Magkusa na kayo,” saad direktiba ng kalihim sa press conference ng DPWH at Independent Commission for Infrastructure (ICI) kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, nitong Huwebes, Setyembre 25.
“Wala na ‘kong pakialam kung maubos ‘tong mga ‘to. Hindi barya-barya ang pinag-uusapan natin dito, threshold for plunder,” babala niya.
“So, uulitin ko. Kung akala niyo, nagbibiro ako, ang ICI. Kung akala n’yo nagbibiro ang Presidente, nagkakamali kayo d’yan,” dagdag pa niya.
Sa nasabing press conference, pinag-usapan ang kalagayan ng mga lugar na kamakailang binisita ng kalihim.
Ang ilan dito ay ang Sunog Apog Pumping Station sa Tondo, Maynila, kung saan, bagama’t nasimulan ang construction noong 2018 at natapos noong 2020, ayon sa Brgy. Chairman, hindi naman daw ito nagamit at nakadagdag lamang sa problema nang pagbaha.
Ang pasilidad na ito ay nagastusan ng mahigit ₱774 milyon sa layong maiwasan ang malaking pagbaha sa ilang mababang lugar kagaya ng España, Sampaloc, Rizal Avenue, at Maria Clara.
Ang sumunod ay ang Culaman Bridge sa Jose Abad Santos sa Davao Occidental na pinondohan at sinimulan noon pang nakaraang administrasyon pero nadatnan na walang natapos.
Sa pagbisita rito, inamin ng assigned District Engineer na si Rodrigo Larete na fully-paid na ang nanalong bidder na St. Timothy Construction Company, na pagmamay-ari ng kasalukuyang iniimbestigahan na mag-asawang Discaya.
Sean Antonio/BALITA