Hindi napigilan ng Kapuso comedienne at TV host na si Pokwang na magbigay ng reaksiyon sa video clip ni Sen. Bam Aquino, kung saan, tinanong niya ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer na si Brice Hernandez kung pati ba ang iba pang mga proyekto ng pamahalaan ay "substandards" din.
Nangyari ito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay pa rin ng maanomalyang flood control projects noong Martes, Setyembre 23.
"Pati mga estudyante ay pinagnakawan. Hindi lang sa flood control projects, maging mga silid-aralan, pinagkakitaan," caption ni Aquino matapos niyang ibahagi ang isang video clip mula sa nabanggit na hearing.
Inamin ni Hernandez, na hindi lamang flood control projects ang substandard kundi maging ang iba pang mga proyekto gaya ng mga silid-aralan, ospital, tulay, kalsada, at iba pa.
Sa comment section, hindi napigilan ni Pokwang ang pagkadismaya at pagkabahala para sa kaligtasan ng kabataang Pilipino, lalo na sa mga nasa public school. Aniya, habang ang mga anak ng mga "magnanakaw" ay nag-aaral sa mga prestihiyosong eskuwelahan sa ibang bansa, ang mga batang mahihirap naman dito sa Pilipinas ay nanganganib na madamay o matabunan kung sakaling gumuho ang mga silid-aralan sa panahon ng sakuna.
"habang ang mga anak ng mga magnanakaw ay nasa magandang school sa ibang bansa, ang mga kabataan na mahihirap sa bansa ay delikadong matabunan pa kapag gumuho sa sakuna dahil nga substandard ang pagkakagawa ng karamihan sa pang publikong paaralan????"
Kaya dasal na lamang ni Pokwang, "woohooo LORD!!!! kailan nyo po tutuparin ang wish ni miss Kara David?????"
Photo courtesy: Screenshot from @teambamaquino/IG
BIRTHDAY WISH NI KARA DAVID
Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang naging wish ng award-winning Kapuso journalist para sa kaniyang 52nd birthday.
"Belated birthday dinner with the Cancios. Siyempre nagkukulitan na naman kami," mababasa sa caption ni Kara.
Sa video, mapapanood na masaya munang nakipagkulitan si Kara sa mga taong kumakanta ng "Happy Birthday" sa kaniya.
Nang hingan na siya ng wish, "Wish... sana mamatay lahat ng kurakot sa Pilipinas!" sabay hipan sa mga kandila ng kaniyang cake.
KAUGNAY NA BALITA: 'Sana mamatay lahat ng kurakot sa Pilipinas!' birthday wish ni Kara David
Maririnig naman ang tawanan ng mga taong nasa background ng video.
Pagkatapos hipan ang mga kandila, natatawang inilapag na ng batikang mamamahayag ang cake.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens. Anila, hangad daw nilang matupad ang birthday wish ni Kara, kahit na hindi na matupad ang sarili nilang birthday wish.
KAUGNAY NA BALITA: Birthday wish ni Kara David, sana raw magkatotoo sey ng netizens